Alamin ang sakit na leukemia
NAGULAT ang lahat sa sakit ni Francis M. na acute leukemia. Ano ba itong sakit? Paano ba ito nakukuha at maiiwasan?
Ang leukemia ay kanser sa dugo. Nagbabago ang cells (selula) sa dugo ng pasyente at nagiging kanser ito. At dahil dumadami ang cancer cells, natatabunan ang mga normal cells natin, tulad ng red blood cell (pulang dugo) at platelets.
Ang sintomas ng leukemia ay dala ng pagkasira nitong 2 klaseng selula: (1) Kumokonti ang red blood cells. Nagi-ging anemic ang pasyente at kailangan salinan ng dugo; (2) Kumokonti ang platelets. Ang trabaho ng platelets ay ang pagbuo ng dugo kapag tayo’y nasusugatan. Kapag nagkulang ng platelets, puwede tayong duguin sa ilong, gilagid at balat. Ganito ang nangyari kay Francis M.
Kapag ika’y madalas magkaroon ng pagdurugo o pagpapasa, ipasuri ang iyong dugo: CBC with peripheral smear. Sa ganitong blood test, matutuklasan kung may leukemia ang pasyente.
Ano ang sanhi ng leukemia? Apat ang posibleng pinanggagalingan ng leukemia:
1. Genetics — namamana ito sa ating magulang.
2. Radiation — masama ang laging exposed sa mga X-rays, CT Scan, MRI at iba pang radiation.
3. Chemicals – masama ang mga ginagamit nating pesticides para sa halaman. Gumamit ng mask at guwantes. Ang benzene, isang kemikal ng plastic, ay puwede ding magdulot ng leukemia.
4. Smoking — masama ang paninigarilyo. Itigil iyan.
Ang leukemia ay ginagamot sa pamamagitan ng chemotherapy, bone marrow transplant at makabagong stem cell treatment. Mahal ang mga pamamaraan na ito at hindi pa tiyak na gagaling ang pasyente. Kailangang ipasuri ang leukemia sa mga ekspertong doktor, na kung tawagin ay Hematologists.
Paano tayo iiwas sa leukemia? Sundin po ang mga payong ito:
Ang mga bata (edad 2 pababa) ay dapat pakainin ng saging at orange 4 hanggang 5 beses bawat linggo. Sa ganitong paraan, makaiiwas ang mga bata sa leukemia.
Turuan din ang mga bata na kumain ng gulay, tulad ng pechay, kangkong at ampalaya.
Umiwas sa hotdog, tocino, langonisa at hamburger. Ayon sa pagsusuri, ang mga preserved meats ay puwedeng magdulot ng leukemia.
Hugasan maigi ang gulay at prutas bago kainin. Siguraduhing walang kemikal (tulad ng fertilizer) na nakadikit dito.
Piliin ang mga organic na manok at itlog. Ang ibig sabihin ng “organic” ay hindi gumagamit ng kemikal sa pag papalaki ng manok at iba pang pagkain.
Mabuhay nang malinis at umiwas tayo sa sakit.
- Latest
- Trending