Kaya ba maraming gustong maging pulis?
KAYA ba marami ang gustong maging pulis, dahil maganda ang kitaan? Isang anomalya na naman ang nadiskubre sa PNP, bukod sa kasalukuyang imbestigasyon sa pagbili nila ng dalawang segunda-manong helicopter, may mga lumantad na dokumento na halos P400-milyon ang ginastos umano sa pagpapaayos ng 28 V-150 ng PNP. Ang V-150 ay armored personnel carrier na ginagamit ng PNP. Katulad na lang ng lahat ng mga gamit ng AFP, mga lumang modelo na ito, na pinaaayos na lang lagi para sa tuluy-tuloy na gamit. Ang V-150 ay ginamit ng US sa Vietnam war.
Ayon sa mga dokumento, lahat ng 28 V-150 ay dapat ibalik sa headquarters para mainspeksyon at maipaayos kung kinakailangan. Ang mga aayusin ay ang makina at transmission. Ang tanong ngayon, napaayos nga ba o hindi? Tama ba ang presyo ng mga inayos na piyesa, o hindi? Napakalaking pera para sa 28 units, na puwede namang bago na lang ang bilhin! Kaya ayun, isang imbestigasyon na naman ang inuutos sa chief ng PNP! Sa mga V-150 palang iyan. May lumalabas na ring anomalya sa mga bangkang goma na binili matapos ang bagyong Ondoy!
Sigurado may mga kumita na pulis sa anomalyang ito. Katulad ng mga helicopter, may mga opisyal na humawak ng pera para sa paayos. Kung tinaasan nang husto ang presyo ng mga piyesa o labor para sa mga V-150, alam ito ng humawak ng pera. Kung hindi sinita, kakutsaba sa katiwalian. Ano man ang kalokohang ginawa, sana pinagawa rin ang mga V-150. Paano kung kailangan gamitin at sira pala! Paano kung kailangan ng AFP ang mga V-150 para sa isang enkuwentro, tapos may diperensiya pala at hindi naman pinagawa? Malalagay pa sa peligro ang mga pulis o sundalo na wala naman kinalaman sa katiwaliang naganap.
Kaya masasama lagi ang estado ng mga kagamitan ng PNP at AFP. Ang mga pondong nakalaan para sa paayos at pagawa, kundi nabubulsa nang lubusan, nagkukulang. Kaya napakaraming mga sasakyan ng PNP at AFP ang nakatambak na lang, dahil wala nang pondo para sa paayos. Kaya siguro marami ngang gustong maging pulis, at nagmamadali maabot ang mataas na ranggo, dahil maraming puwedeng kitain mula sa anomalya! Sana naman sa ilalim ng administrasyong ito, matigil na lahat iyan!
- Latest
- Trending