Sino ba talaga ang tunay na boss?
TAMA si Edita Burgos. Panahon na para gamitin ni President Aquino ang kanyang kapangyarihan para mailabas na ang katotohanan sa tatlong taong dinukot noong 2006. Naglabas na ng desisyon ang Korte Suprema at inutusan, hindi pinakiusapan, sina retired Maj. Gen. Jovito Palparan, Lt. Col. Felipe Anotado, Lt. Col. Rogelio Boac, Lt. Francis Mirabelle Samson at dalawa pang tao na ilabas na ang tatlong taong nawawala mula pa noong 2006. Ayon sa desisyon ng korte, ang mga nabanggit ay kailangan panagutan ang pagkawala ng tatlong tao. Sa madaling salita, sila ang dapat maglabas dahil sila ang responsable sa kanilang pagkawala.
Pero ganun na nga, ano na ang gagawin ng mga pinangalanan ng Korte Suprema? Nagbigay ng panayam si Palparan at sinabing paano niya ilalabas ang wala naman daw sa kanya? Paano mapapalitaw ang hindi naman daw nila dinukot at binihag at kung ano pang inaakusa sa kanila? Pati ang AFP, na nasa ilalim ng kapangyarihan ni President Aquino, ang nagsasabing wala silang magagawa sa utos ng korte dahil wala naman daw sa kanila.
Hindi ako nagugulat sa mga pahayag nila Palparan at ng AFP. Kailan ba naman umamin ang AFP na sila nga ang responsable sa mga hindi na makitang mga tao? Kailan nila inilabas ang mga sinasabing hawak nila kung wala namang testigo? Kailan nila tinuro na dito nila pinatay at nilibing ang mga nawawala na lang mula sa mundong ito? Wala. Kaya hanggang ngayon, ganyan pa rin ang maririnig sa mga iyan.
Lahat ng nabanggit ko ay hindi pa nangyayari sa ilalim ng kahit na sinong administrasyon, mula kay Marcos hanggang kay Arroyo. Pagdating sa mga nawawalang tao, mga kalaban umano ng gobyerno, o mga tingin nila ay panganib sa gobyerno, tila dedma na lang lagi ang gobyerno at ang militar. Dito puwede maging iba si President Aquino. Dito puwede niyang pilitin ang mga nasa ilalim niya na ilabas na ang mga nawawala, buhay man o patay. Si Aquino ang unang president na nakakuha ng mataas na popularidad mula sa mamamayan. Bagama’t nagsisimulang bumaba ang kanyang popularidad, mataas pa rin ang tiwala ng tao sa kanya. Kaya dapat lang ay kumilos na siya at ipakita kung bakit siya mahal ng tao. Ipakita niya na kaya niyang pagalawin ang mga nasa ilalim niya para magkaroon ng hustisya at katapusan ang paghihirap ng mga kamag-anak ng mga nawawala. Kung nasa likod naman niya ang mamamayan, ano ang kinatatakutan niya? Ang militar? Ganun na lang ba lagi? Ang tunay na namumuno sa bansa ay ang militar?
Sino ba talaga ang tunay na boss?
- Latest
- Trending