Layag na Sir
Sa kasaysayan ng mga Pangulo ng Pilipinas (after Marcos), si PNoy lang ang Pangulo na: (1) bumagsak ang rating sa unang sampung buwan ng panunungkulan; at (2) may pinakagrabeng bagsak sa lahat – 13 points!
Bakit humantong sa ganito? Maraming kuro-kuro. May nabasa ako kahapon na siguradong bahagi ng problema. Nadiskubre ni PNoy ang PhP18 Billion Laguna Lake Dredging Project galing sa Official Development Assistance (ODA) ng Belgium. Na-award ito sa isang tanyag at respetadong international firm. Dahil hindi ito dinaan sa public bidding, agad itong pinatigil. Ang kaso, sa ODA projects ay hindi kailangan idaan sa public bidding dahil ang donor mismo ang pumipili ng Contractor. Kinumpirma ito ni Sec. Leila de Lima sa kanyang official opinion na walang problema ang proyekto. Sumulat pa mismo ang Prime Minister ng Belgium at iginiit ang pakinabang ng dredging upang maibsan ang mga baha – nang wala tayong kagastus-gastos. Sa kabila nito ay pinatigil pa rin ni PNoy at ipinagmamalaki pa ito sa kanyang mga talumpati.
Sa nabibigyang pagkakataon na humawak ng renda ng kapangyarihan – lalo na doon sa mga nagprisinta sa pamamagitan ng eleksyon, laging darating ang pagsubok. Hindi matatakasan ang magpasiya. Labag man sa kalooban — basta’t hindi labag sa batas, kailangan desisyunan.
Ang trahedya ni PNoy at ng kanyang mga tauhan ay paralisado sila ng sarili nilang takot. Diskumpiyado sa lahat na inabutang kontrata at empleyado sa iba’t ibang kagawaran – takot kumilos basta hindi sila mismo ang nag-umpisa. Kahit mga bagay na malinaw na napapaloob sa kapangyarihan ng kanilang opisina, kwidaw aprubahan. Naninigurado – mahirap na, baka mapulaan. No Talk, No Mistake. Ang problema – kahit tuwid ang daan, wala namang performance. Ang resulta - maraming proyekto ang nabibitin, mga paghahandang nasayang. Ang epekto - nabibinbin ang mga gastusin ng pamahalaan, bumabagal ang pag-usad ng ekonomiya at tumataas tuloy ang bilang ng taong walang trabaho. Translation: low approval ratings.
“A ship in a harbor is safe, but that’s not what ships are built for”. Mr. President, kayo po ang Kapitan ng barko. Kailan pa po tayo lalayag?
- Latest
- Trending