Editoryal - Kurakot-free na nga sana
SA lahat ng mga sinabi ni President Noynoy Aquino mula nang siya mamuno mag-iisang taon na, ang mga sinabi niya noong Linggo sa pagdiriwang ng ika-113th anibersaryo ng kalayaan ang pinaka-may kabuluhan. Sabi niya, “Sa ngalan ng buong Pilipinas, ipinahahayag ko ang pagbubukas ng isang bagong yugto sa ating kasaysayan kung saan ang bawat Pilipino ay mapipitas ang bunga ng kanyang pinaghirapan, kung saan ang batas ay ipatutupad ng patas sa mahirap man o sa mayaman, kung saan maaaring panghawakan ng lahat ang sarili nilang kapalaran, kung saan ang kalayaan ay may katuwang na karangalan.”
Ang ganda! Akmang-akma sa pagdiriwang ng kalayaan. Kung ang mga sinabi ng presidente ay magkakaroon agad ng katuparan, makakamtan ng bawat Pinoy ang matagal na nilang inaasam. Kung magiging kurakot-free na ang Pinas, malalasap na ng bawat Pinoy ang pag-unlad.
Mapipitas na raw ang bunga ng pinaghirapan. Kasing-kahulugan nito na maaari nang namnamin ang mga bunga ng pinagpaguran. Wala nang mga kurakot na makikinabang o magnanakaw sa bunga. Kung noon ay laganap ang mga anomalya, ngayon sa bagong administrasyon ay wala nang mangyayaring kontrobersiya na kanya-kanyang kurakot at pagnanakaw sa kaban ng bansa. Makukuha na ng bawat mamamayan ang kanyang share at mapapakinabangan ng walang alinlangan.
Ang batas daw ay ipatutupad nang patas maging sa mahirap man o mayaman. Ito ang dapat pairalin. Sa kasalukuyan, maski sa mga bilangguan ay may pagkakaiba ang mayaman sa mahirap. Sa National Bilibid Prisons (NBP) ay may bilanggong nakalalabas para makapamasyal at may magandang tirahan na kumpleto sa gamit na tinalo pa ang nasa motel.
Madaliiin din naman sana ang pagbibigay ng hutisya sa mga walang awang pinatay. Halimbawa ang Maguindanao massacre na hanggang ngayon na magdadalawang taon na ang kaso, ay wala pang nakikitang liwanag ang mga kaanak ng pinatay. Isilbi ang hustisya.
Hihintayin ng taumbayan ang mga sinabi ni Aquino. Gusto nilang lasapin ang bunga ng kanyang mga binitiwang pangako.
- Latest
- Trending