EDITORYAL - 613 bayan, walang fire stations
SA maniwala at sa hindi, maraming bayan sa Pilipinas ang walang fire stations. At isipin na lamang kung paano ang gagawin ng mga residente kapag nanalasa na ang apoy at unti-unting nilalamon ang ari-arian. Walang magagawa kundi panoorin ang pagkalat ng apoy hanggang sa ang matira na lamang ay abo. Kaya totoo ang kasabihan na manakawan ka na nang ilang beses, huwag ka lang masunugan.
Ngayong pabagu-bago ang klima, ang pananalasa ng sunog ay iglap at walang babala. At sa ganitong problema, ang saklolo ng bumbero ay mahalaga. Pero paano kung walang fire stations sa mga bayan sa Pilipinas?
Isang party-list congressman ang nagbunyag na maraming bayan sa Pilipinas ang walang fire stations. Sinabi ni Rep. Arnel Ty ng Liquefied Petroleum Gas Marketers Association (LPGMA) na 613 bayan sa Pilipinas ay wala ni isang fire stations o bumbero. Ang Pilipinas ay binubuo ng 1,502 towns. Kaya ipinapanukala ni Ty sa isang resolusyon na magkaroon ng isang fire stations sa bawat bayan sa buong Pilipinas.
Sa Abra na lamang, ayon kay Ty, 22 bayan dito ang walang bumbero. Kung magkakaroon ng sunog sa mga bayan sa Abra tiyak na maraming mapipinsala dahil walang dadalong bumbero. At tiyak na apektado ang kabuha-yan ng bayan.
Halimbawa na lamang ay ang nangyaring sunog sa isang pension house sa Tuguegarao City noong Disyembre 2010 na 16 katao ang namatay. Wala agad nakarating na bumbero sa lugar. Hindi nakalabas ang mga biktima sapagkat walang fire exit ang hotel.
Maging prayoridad ng gobyerno ang pagkakaroon ng fire stations sa bawat bayan upang maagapan ang sunog. Suportahan naman ang panukala ni Rep. Ty para mailigtas sa trahedya ang mamamayan.
- Latest
- Trending