Editoryal - Mayroon pang PAGASA
MARAMI ang bumabatikos sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) dahil palpak na naman daw ang babala ukol sa bagyo. Lumihis ang bagyong Chedeng kahapon at sa halip na tumbukin ang Northern Luzon at mga probinsiyang nasa baybayin ay tinungo ang direksiyon ng Japan. Nakaligtas ang Pilipinas sa posibleng malakas na pananalasa ng bagyo na ayon sa PAGASA ay may lakas na 170 kph. Kung tumama si Chedeng, malaki na naman ang pinsala ng Pilipinas. Tiyak na marami na naman ang mahihirapang makabangon. Tiyak na may nagbuwis ng buhay.
Pero sa halip na magpasalamat ang ilan at hindi tumama si Chedeng, pinintasan pa ang kapalpakan ng PAGASA. Paano’y dahil sa walang tigil na babala ay nakapaghandang mabuti ang mga residente sa lugar na tutumbukin umano ni Chedeng. Inihanda na ang mga paglilikasan ng mga tao, inihanda na ang mga lifeboat, itinali na ang mga bangka, bumili na ng mga pangunahing pangangailangan at kung anu-ano pang mga paghahanda.
Maaring kulang pa ang mga kagamitan ng PAGASA kaya sumablay na naman ang kanilang pagtaya sa bagyo. Dapat na makapag-install pa ng mga radar ang PAGASA upang ganap na madetect ang mga paparating na bagyo. Kung hindi madadagdagan ang mga Doppler radar na inilagay ng PAGASA, hindi ganap na makapagbibigay ng tamang tinatahak ng bagyo. Laging sasablay kagaya nga ng kay Chedeng, Mabuti na lang at lumihis ito. Pero paano kung tumumbok at hindi na-monitor ng PAGASA.
Noong nakaraang taon, sinibak ni President Aquino ang isang weather forecaster ng PAGASA dahil sa hindi pagbibigay ng babala sa bagyong Bas-yang. Maraming napinsala si Basyang noong Hulyo 11, 2010. Dahil sa nangyari, sinibak si Prisco Nilo. Ang pagkakasibak ang naging dahilan para naman ma-improved ang pagbibigay ng babala. Nag-install ng bagong Doppler radar sa Aurora, Baler at Baguio noong nakaraang taon. Ayon sa PAGASA, mag-iinstall pa ng pitong Doppler sa mga susunod na taon at maaaring sa 2012 ay makumpleto na lahat.
Sana nga ay magkaroon na ng bagog kagamitan ang PAGASA para hindi na sumablay ang babala. May PAGASA na sana sa hinaharap. Sana nga.
- Latest
- Trending