Editoryal - Higpit ngayon, luwag bukas
MARAMI nang kautusang ipinatupad sa Commonwealth Avenue lalong kilala sa tawag na “killer highway” para matigil o mabawasan ang mga sunud-sunod na aksidenteng nangyayari. Noon pang panahon ni Metro Manila Development Authority (MMDA) chairman Bayani Fernando ay marami nang ginawang hakbang para mabawasan ang aksidente. Pinalagyan ni Fernando ng footbridge ang mga delikadong lugar para wala nang masagasaan kapag tumatawid. Kung anu-anong sign o babala ang inilagay sa highway gaya nang ‘‘HUWAG TUMAWID MAY NAMATAY NA RITO” subalit balewala rin ang kautusan sapagkat marami ring tumatawid sa malawak na Commonwealth at may nasasagasaan at namamatay. Paano’y wala rin namang traffic enforcers na nagbabantay at nagbabawal na huwag tumawid. Kaya ang nangyari, nawalan ng saysay ang footbridge. Gumastos lang pero hindi naman napakinabangan. Balewala ang paghihigpit na nauwi sa ningas-kugon.
Nang magpalit ang administrasyon noong nakaraang taon, maraming inimplement ang umupong MMDA chairman na si Francis Tolentino. Kung malikot at maparaan si Bayani Fernando, mas maparaan at malikhain si Tolentino. Inalis niya ang mga footbridge sa Commonwealth na walang silbi. Niluwangan ang Commonwealth at pinaganda ang U-Turn slot. Binuksan ang mga sinarang rotunda at nagkaroon ng daloy ang trapiko.
Ang pinakamagandang ginawa ni Tolentino ay nang ipag-utos na 60 kph na lamang ang takbo sa Commonwealth. Naglagay ng CCTV kaya nakukunan ang mga sutil na drayber ng bus, jeepney taxi at private vehicle na overspeeding. Isang buwan ang nakalipas mula nang ipatupad ang 60 kph speed, nabawasan ang aksidente sa Commonwealth. Tuwang-tuwa si Tolentino. Maski si President Aquino ay humanga sa sistemang pinatupad ni Tolentino.
Pero nang mabangga ng isang rumaragasang bus ang taksing sinasakyan ng propesor at journalist na si Chit Estella noong Mayo 13, muling nabuhay ang “killer highway”. Mayroon pa palang killer bus sa Commonwealth. Nasaan na ang bagsik ng MMDA? Nasaan na ang CCTV? Nasaan na ang traffic enforcers? Nasaan na ang pinagmamalaking maayos na sistema sa nasabing highway?
Higpit ngayon at bukas ay luwag na naman. Ningas-kugon na naman?
- Latest
- Trending