Bala sa ulo na ang humatol!
Pagkalipas ng 10 taon, natunton at napatay ang pinaka-wanted na tao sa buong mundo na si Osama Bin Laden, ang lider ng Al-Qaeda na nagpondo sa pag-atake sa World Trade Center Towers sa New York noong September 11, 2001. Higit 3,000 ang namatay sa pag-atake na iyon. Nangako si dating Pangulong George W. Bush na matutunton si Bin Laden at haharap sa hustisya. Sampung taon ang nakalipas, bala sa ulo ang naging hatol sa kanya!
Halos walong buwan nang minamanmanan ng mga Amerikano ang isang compound sa Abbottabad, Pakistan, nang makita at makilala nila ang isang katiwala ni Bin Laden. Sa compound na ito tumutuloy ang nasabing katiwala. Mataas ang pader at may barbed wire. Tila nagsasabi na may VIP na nakatira roon. At nang matiyak na nila na nasa loob nga si Bin Laden, sinalakay na ang compound. US SEAL team daw ang sumalakay. Pagkatapos ng putukan, patay na si Bin Laden, ang kanyang anak at apat na iba pa. Inilibing na raw sa dagat ang bangkay, ayon sa mga tradisyon ng Muslim. Ginawa ito para hindi na maging rebulto o altar pa ang kanyang puntod kung sa lupa siya nilibing.
Natupad ang pangako ni Bush, sa ilalim ng administrasyon ni Barack Obama. Sa pagpatay kay Bin Laden, inaasahang hihina ang pondong natatanggap ng mga teroristang grupo katulad ng Al-Qaeda at Taliban, kaya hihina na rin ang kanilang kilusan at organisasyon. Pero sa kabila ng kasayahang nagaganap ngayon sa mga bansang tinamaan ng terorismo mula sa kamay ng mga militanteng Muslim katulad ng Amerika at UK, pag-iingat at pagbantay rin ang babala dahil baka bumawi raw ang supporters ni Bin Laden.
Tiyak na may papalit sa posisyon ni Bin Laden sa organisasyon ng mga duwag na terorista. Maraming matataas ang ambisyon din sa mga terorista. Kaya hindi rin dapat maging kampante ang mundo na komo wala na si Bin Laden, magiging mapayapa na ang mundo. Pero sa ngayon, puwedeng-puwede magsaya sa kanyang pagkamatay. Napakaganda ng linggong nakaraan. Na-beatify si Pope John Paul II, nag-resign si Merceditas Gutierrez, kinasal si William at Kate, napatay si Bin Laden. Ano pa kaya ang susunod na magandang balita o kaganapan? Makukulong na si ganyan, makakasuhan si ganun, mahuhuli na si ganyan…
- Latest
- Trending