Bitayin din, dayuhang drug traffickers
IGINAWAD na ang parusa kina Ramon Credo, Sally Ordinario-Villanueva at Elizabeth Batain kahapon. Umagos ang luha ng mga kaanak ng tatlo makaraang malaman na binitay na ang mga ito. Hindi na pinakinggan ang huling apela ni Vice President Jejomar Binay.
Ganyan ang batas sa China na dapat ay gawin din ng ating pamahalaan. Sa kasalukuyan, maraming Chinese at iba pang banyaga ang nakakulong sa National Bilibid Prisons dahil sa drug trafficking. Dahil walang bitay dito sa atin, hindi natatakot ang mga dayuhan. Nakagagawa sila ng paraan na malusutan ang batas sa pamamagitan ng panunuhol sa ilang hukom at law enforcers. Ngunit sa China, hindi puwede ang ganitong sistema.
Panawagan kay P-Noy, na baguhin ang umiiral na batas upang matuldukan na ang paglaganap ng droga. Alam ng lahat na ang droga ay salot sa lipunan. Mga dayuhang sindikato ang nagdadala at gumagawa ng droga. At ang mga Pinoy ang ginagawa nilang mules o courier. Dahil maraming Pinoy ang nagugutom, “kumakapit sila sa patalim”. Kahit alam nilang labag ay sinusunod ang sindikato. Nasilaw rin sila sa pera. Tulad na lamang sa kina Credo, Villanueva at Batain. Nagbitbit sila ng droga at nahuli sa China. Ngunit dapat patawan din ng parusa ang mga opisyales ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA). Kung ginampanan nila ang trabaho tiyak na hindi nakalusot ang droga. Lumalabas na may kakutsaba ang sindikato sa NAIA kaya nakalusot ang droga.
Sana ang pagbitay sa tatlong Pinoy ay magmulat sa mga opisyales upang hindi na maulit ang nangyari. Tama na ang tatlong binitay. Dapat din namang ipatupad sa bansa ang bitay sa drug traffickers upang maging matiwasay at mapayapa ang pamumuhay. Panahon na para ipataw ni P-Noy ang bitay sa dayuhang drug traffickers upang ang kirot na dinanas ng mga naulila nina Credo, Villanueva at Batain ay maibsan.
- Latest
- Trending