EDITORYAL - DTI sana ay magbantay
PATULOY ang pagtaas ng presyo ng petroleum products at magpapatuloy pa raw dahil sa nangyayaring kaguluhan sa Libya. Kamakalawa ay nagtaas muli ng presyo ang oil companies at pumapalo na sa P53 ang bawat litro ng unleaded gasoline. Sa susunod na linggo ay may nakaamba na namang pagtataas.
Kade-kadena na ang nangyayaring pagtataas. Hinihila nang pagtaas ng gasolina ang mga bilihin at sa aming palagay ay hindi gaanong nababantayan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang presyo ng mga bilihin. May ginagawa bang hakbang ang DTI para subaybayan ang mga negosyanteng nagsasamantala? Gaano katiyak na namomonitor nila ang mga presyo?
Ayon sa report, maraming customer ang nagrereklamo dahil ang presyo ng instant noodles ay tumaas na. Marami ang nagtataka sapagkat biglang nagbago ang presyo nito sa ilang groceries at maski sa mga sari-sari store. Katwiran naman ng mga may-ari ng sari-sari store ay nagtaas na raw sa binibilhan nilang supermarket at walang magagawa kundi ipasa rin nila sa customer na may patong din na presyo. Maski ang mga gulay ay tumaas na rin daw. Napakabilis ng pagtataas gayung wala namang ipinatutupad na pagtaas sa mga nabanggit na bilihin.
Kawawa ang mga mahihirap sa nangyaya-ring ito na hindi na makayang abutin ang mataas na presyo ng bilihin. Nakaamba rin ang pagtataas ng pamasahe at ano pa ang maiuuwing suweldo ng mga karaniwang mamamayan sa ganitong sitwasyon. Ang lubhang kawawa ay ang mga maliliit na kapiranggot ang kinikita.
Noong nakaraang Lunes pa nagtaas ng presyo ang tinapay. Nagtaas ng P2 ang mga panaderiya sa presyo ng loaf bread. Ang pandesal ay matagal nang nagtaas pero ang reklamo naman ng customer ay lumiit naman ito. Tumaas ang presyo pero lumiit na halos hindi na makabusog.
Pag-ibayuhin ng DTI ang kanilang pagbabantay sa mga bilihin. Imonitor ang mga negosyante at baka dinadaya na nila ang mamamayan. Sa ganitong sitwasyon, marami ang nagsasamantala. Kawawa naman ang mahihirap kapag napagsamantalahan ng mga ganid.
- Latest
- Trending