^

PSN Opinyon

'Diniin ni inay'

- Tony Calvento -

“GALIT lahat ng anak ko sa akin. Anu daw bang gusto ko? Mas pinahamak ko pa raw si Ranel sa ginawa ko. Parang gusto kong hindi makalabas ang anak ko sa kulungan,” pahayag ng isang ina.

Minsan ng nakausap ng aming ‘staff’ na si Monique Cristobal ang isang ginang na nagbigay ng pahayag na ito.

Siya si Ma. Remedios Nacor oRemy, 64 anyos mula sa Buenavista, Quezon Province.

Nagbalik siya na mas mukhang nag-aalala sa kasong kina­sangkutan ng kanyang anak na si Ranel sa Doha, Qatar.

Ang kanyang anak na si Ranel ay drayber ng trak na naghahakot ng mga bato at buhangin sa Doha.

Nakulong siya kasama ng iba pang mga Pilipino sa Um Salal Jail.

Isang katrabaho ni Ranel ang tumawag kay Remy para ipaalam ang kalagayan ng kanyang anak.

Ayon sa kanyang kausap, kasong bentahan umano ng droga ang tinuturong dahilan kung bakit nadakip ng pulis itong si Ranel. Bumili siya ng droga na siya namang binenta niya sa isang Arabo. Nahuli ang Arabo at siya ang itinuro.

“Natulala ako… narinig ko mula sa aking kausap na nakulong ang anak ko. Hindi ko na alam ang mga sumunod na pangyayari. Alam kong nagsasalita pa ang aking kausap… pero parang bingi na ako,” pahayag ni Remy.

Itinampok namin ang problema ni Remy sa CALVENTO FILES sa radyo ang “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ 882KHZ (mula 3:00-4:00 ng hapon).

Kaugnay nito itinakbo rin namin sa aming kolum sa dyaryo, sa PSNGAYON ang istorya ni Ranel nitong ika-7 ng Pebrero. Pinamagatan namin itong “Droga sa Doha!”.

Dahil ang Pilipino Star Ngayon (PSN) ay nakakarating sa buong mundo at malaki ang sirkulasyon sa Gitnang Silangan nabasa ni Ranel ang istorya niya.

Nagulat siya ng mabasa ito. Tumawag siya agad sa kanyang inang si Remy.

“Inay… bakit naman ganun ang kinwento mo tungkol sa kaso ko? Hindi ako nasangkot sa droga. Isa po ako dun sa labingtatlong Pinoy na nakakulong sa Um Salal. Saan niyo po ba nakuha ang balitang iyan?”, paliwanag umano ni Ranel sa ina.

Nakuryente pala umano itong si Remy. Hindi daw sangkot sa kasong droga ang anak.

Sa katunayan nahulihan umano siyang bumili ng tanso sa mga kasamahan at hindi ng droga.

Ayon kay Remy saksi ang mga kasamahan ni Ranel dito.

Depensa ng ina pagkataranta ang dahilan kung bakit tuliro siyang pumunta sa aming tanggapan at mali-mali pa ang mga detalyeng naibigay sa amin. Bumalik siya sa amin opisina para bawiin ang kanyang mga naunang pahayag at linisin ang pa­ngalan ng kanyang anak.

Sa pangalawang pagkakataon inere namin si Remy sa aming programa sa radyo.

Diretsa namin siyang tinanong kung saan ba niya nakuha ang mga unang impormasyong ibinigay niya sa amin.

“Nagkwento po kasi ang kasamahan ng anak kong nakulong si Ranel. Nabanggit niya rin ang tungkol sa ibang Pinoy na nahuling nagbebenta ng droga. Napaghalo ko na po ang istorya. Nagkamali po ako ng intindi,” pahayag ni Remy.

Sobra lang umanong pag-aalala sa anak ko ang dahilan kung bakit anu-anong kwento na ang nalikha niya sa kanyang noo’y magulong isip.

Gumawa rin siya ng sulat kung saan inilahad niya na mali ang kanyang unang pahayag. Ito ay ang mga sumusunod.

“Ako po ay humihingi ng paumanhin dahil nagkamali po ako ng pagsalaysay. Hindi po totoo na nahulihan ng droga ang anak ko. Ang totoo bumibili po siya ng tanso sa kanyang mga kasamahang sa trabaho. Sila po ay labingtatlong Pinoy na nakulong sa Um Salal Jail buhat noong Nobyembre. Sa katarantahan ko po hindi ko na naintindihan ang sinasabi ng kasamahan ng anak ko sa trabaho ng tumawag ito sa akin. Para pong nabingi ako.

Nagkamali po ako ng pagsalaysay sa inyo. Mapatutunayan po ito ng mga kasamahan sa kulungan ng aking anak na ang binibili niya ay tanso at hindi droga.

Hanggang ngayon nakakulong pa rin po ang aking anak at ang kanyang 12 kasamahan. Humingi po kami ng tulong sa inyong programa para makalaya na po sila run.

Sana ay makabalik na sila dito sa Pilipinas ng maayos at makapiling na ang kani-kanilang pamilya. Ako at ang buong pamilya namin ay lubos na nagpapasalamat sa in­yong kabutihan.”

Pinarating namin kay Remy na may abugado ng ipinadala ang ating embahada sa Doha na siyang mag-aasikaso ng kanilang kaso.

 Umamin na ang 13 Pinoy sa Korte na nagawa nila ang pagnanakaw ng kable. Merong batas ang ‘Koran’ na tinatawag na ‘Sharia Law’. Maari silang masintensyahan dahil sa kanilang pag-amin.

Kung hindi naman sila papatawarin ng kanilang kumpanya kailangan muna nila tapusin ang kanilang sintensya.

Nagbayad ang DFA ng abugado na nagkakahalaga ng US$3,291.51 o 4,000 Qatari Rials (ang katumbas ay humigit kumulang Php150,000. Ito ay para i-represent sila at makiusap kung pwedeng pabalikin na lamang sila sa Pilipinas. Kasama na dito si Ranel.

Lubos naman ang pasasalamat ni Remy ng malaman ito.

Nais kong magpasalamat sa DFA, sa Calvento Files at Hustisya Para Sa Lahat sa patuloy na pagtulong sa aking anak maging sa mga kababayan nating OFW’s na may kaso sa ibang bansa. Mabuhay po kayo at ang inyong programa wika ni Remy. 

(KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)

Ang aming programa sa radyo ay bukas sa anumang talakayan para sa mga complainants na walang kakayahang magpunta sa aming tanggapan.

I-text niyo lamang sa mga numerong 09213263166 o sa 09198972854 at sasagutin namin on-air ang inyong problema. Ang landline 6387285 at ang aming 24/7 hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Sabado.

* * *

Email address: [email protected]

AKO

ANAK

DOHA

DROGA

KANYANG

RANEL

REMY

SIYA

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with