EDITORYAL - Pati NBI ay natatakasan
HANGGANG ngayon ay hindi pa nadadakip ang dalawang preso na tumakas sa NBI detention cell sa Taft Avenue, Manila noong Pebrero 9. Kung mahuhuli pa ang dalawang pugante ay ang pamunuan lamang ng NBI ang makapagsasabi. Sa nangyaring pagtakas, ipinakita lamang na wala nang matinong jail o selda ngayon. Paano’y nakagagawa ng paraan ang mga bilanggo na makatakas kahit na meron pang mga naka-install na closed-circuit television (CCTV). Nakita rin kung anong klase ang mga guwardiya sa NBI na natakasan ng kanilang bilanggo. At isipin pang ang NBI ay nasa isang lokasyon na maraming tao at madaling mapapansin ang mga hindi kahina-hinalang tao. Pero nangyari na nga ang pagtakas at isa ang masasabi, pati ang NBI ay kabilang na rin sa mga ahensiya na parelaks-relaks kung pagbabantay sa bilanggo ang pag-uusapan. Wala ring ipinagkaiba sa detention cell ng Camp Crame kung saan ay marami na ring nakatakas. Nakatakas sa Crame ang drug trafficker, terorista at iba pang kriminal. Nilagari ang rehas at saka umakyat sa bakod. Presto!
Walang ipinagkaiba sa tumakas sa Crame ang ginawa ng dalawang bilanggo sa NBI jail na nakilalang sina Albert Mata, 37, at Leovinci Acapulco, 57. Si Mata ay may kasong robbery with homicide samantalang si Acapulco ay kidnaping for ransom. Nilagari ng dalawa ang may 10 rehas na bakal. Makaraang malagari ay walang anumang tumakas. Tinakpan pa ng bimpo ang CCTV na nakatutok sa likod ng selda. Nagpapalit umano ng damit ang guwardiya nang tumakas ang dalawa.
Isang detenido ang nagsabi sa guard na may nakatakas. Pero wala ring nangyari dahil hindi na inabot ng NBI agents ang mga tumakas. Nilamon na ng dilim ang dalawa. Ayon sa NBI, mapanganib ang dalawang pugante.
Hindi naiiba ang NBI detention cell sa Camp Crame cell na madaling matakasan ng preso. Masyadong relaks sa NBI. Madaling mapaglala-ngan. Paano na lang kung ang makatakas sa kanila ay mga terorista o yung mga sanay na sanay nang pumatay?
Dapat magkaroon ng pagbabago sa NBI detention cell para walang makatakas na pugante.
- Latest
- Trending