Spineless to Spiny
SA librong Conjugal Dictatorship, tinaguriang “Spineless Judiciary” ang Supreme Court noong panahon ng martial law dahil sa halip na manindigan at ipagtanggol ang kalayaan ng mga mamamayan, ito’y tumiklop sa puwersa ng Malacañang. Ang pagtalikod ng Mataas na Hukuman sa pangunahing responsibilidad nitong ipaliwanag ang tamang kahulugan ng Saligang Batas ay nagsilbing daan upang ituring na lehitimo ang naganap na pag-agaw ng kapangyarihan ni President Marcos at ng military. Matagal-tagal na binuno ng Supreme Court bilang institusyon ang kawalan ng tiwala at paniwala ng bansa sa kakayanan nitong maghatid ng katarungan at magsilbing huling depensa laban sa kasakiman ng mga nanunungkulan.
Nagbalik na lang ang pagtingala ng tao nang purgahin ni President Cory Aquino ang Mataas na Hukuman gamit ang kanyang revolutionary powers sa ilalim ng Freedom Constitution nung 1986. Ang buong komposisyon nito ay personal niyang pinili.
Hindi lang iisang tao ang Korte. Hindi tulad ng Ehekutibo na nasa katauhan ng iisang presidente, ang Supreme Court ay kinabibilangan ng 15 miyembro. Maari lamang itong kumilos ng opisyal kapag sumang-ayon ang nakararami --- majority lamang at hindi 2/3 o kaya 3/4 --- pagkatapos ng masinsinang pag-aral at debate. Higit sa presidente o sa congressman at senador, ang mga mahistrado ang may pinakamataas na kuwalipikasyon sa ilalim ng Saligang Batas at mismong sa mata ng lipunan. Ok lang maging presidente o halal na opisyal ang isang hindi nakapagtapos sa pag-aaral. Hindi ito puwede sa Supreme Court. Kailangan dito ay 15 years nang judge o nag-practice ng law at dagdag dito, “must be a person of proven competence, integrity, probity, and independence.” At di tulad ng karanasan natin kay President Cory, ang mga mahistrado ngayon ay dumadaan lahat sa pagsusuri ng judicial and bar council.
Ang lahat ng ito ay kalkulado bilang bahagi ng checks and balance sa Konstitusyon upang masiguro na ang Hukuman bilang institusyon ay pinalakas at may sapat na armas at kumpyansa na hadlangan ang mga abuso at wastuhin ang pagkakamali ng nanunungkulan. At ang katangian nitong kikilos lamang kapag nagkaisa ang mayorya ay alinsunod din sa diwa ng demokrasya na ang kagustuhan ng nakararami ang mananaig. Ok Lang maging spiny matapos matawag na spineless
Sana ay isipin ito ng Palasyo sa susunod na maghanap ito ng masisisi sa mga kapalpakang nangyayari sa kanila. Ang boto ng tao ay hindi agimat na sisigurong tama ang lahat ng ikikilos sa pamamahala. Ang pagiging perpekto ay hindi awtomatiko sa nanalo. Ang pagiging perpekto ang siyang utang ng nanalo sa taong bayang nagtiwala.
- Latest
- Trending