Ligtas pa ba ang donasyong dugo?
WORLD AIDS Day kahapon at ang balita na may 124 bag ng dugo ang nasilip ng Department of Health na may mikrobyo ng HIV-AIDS at hepatitis ay nakasisindak. Mabuti’t nasuri agad ang mga dugong ito at hindi nagamit sa mga pasyente.
Dalawang linggo ang nakararaan ay nagkaroon ako ng surgery sa enlarged prostate at pinaghanda ako ng aking doctor na si Ed Gatchalian sa Manila Doctors Hospital ng tatlong units ng dugo na agad namang nakuha mula sa Philippine National Red Cross. At least reliable source ang PNRC at nakatitiyak tayo na sumailalim sa masinsing pagsusuri ang mga donated blood para sa kaligtasan ng mga mga pasyenteng kailangan ang blood transfusion.
Pero nagpapasalamat ako at hindi ako kinailangang salinan pa. Hindi lang PNRC ang pinagkukunan ng dugo dahil may mga pribadong blood bank na kahit yata yung mga patpatin at may tattoo ay malayang makapagbenta ng dugo. Dapat sana’y isailalim muna sa pagsusuri ang isang tao bago kunan ng dugo. Pero tulad ng kinumpirma ng DOH, 124 bag ang nasilip na kontaminado ng nakamamatay na sakit. Paano na lang kung nakalusot ang ilan sa mga ito at naisalin sa malusog na tao?
Hindi maiaalis sa mga naooperahan ang mangamba na baka ang ililipat na dugo sa kanila’y may taglay na karamdaman. Baka dahil sa pangamba ay (huwag namang mangyari) ma-high-blood at matuluyan sila. Sabihin mang may sistemang ipinatutupad para ma-screen ang mga dinudonasyong dugo, hindi pa rin mawawala ang pangamba ng mga direktang sasalinan.
Kaya mabuti siguro kung ang mga sasailalim sa operasyon at mangangaila-ngan ng transufusion na kumuha na lang ng donor na kaanak nila at natitiyak nila na walang sakit.
Pero sumasaludo tayo sa DOH sa balitang ito dahil nagimbal man tayo, nakita natin na maagap ang ahensya sa pagsasala sa mga donasyong dugo alang-alang sa kaligtasan ng mamamayan.
- Latest
- Trending