'Sex scandal mo.dokumentado ko!'(Huling Bahagi)
BAGO pa man magsawsawan ang mga pulitiko at kilalang personalidad sa isyu ng sex scandal, BITAG ang nagsimulang makialam sa usaping ito.
At dahil sa Buhay Party List, sa pangunguna ni Rep. Irwin Tieng, mayroon nang batas ngayon para magparusa sa mga nasa likod ng pagdodokumento at pagpapakalat ng mga sex photos at videos o sex scandal.
Ito ang Republic Act 9995 o Anti-Voyeurism Act of 2009 na ngayong Pebrero ng 2010 lamang naaprubahan ng dating Pangulong Gloria Arroyo.
Taon 2008 nang magsanib puwersa ang BITAG at Buhay Party List upang pag-aralan at hanapan ng katarungan ang mga naging biktima ng sex scandal.
Hindi pa noon mga artista ang nagiging biktima. Naipa- sa noon ang isinusog na Cyberboso Bill sa Kongreso at matagal itong nabinbin sa Senado.
Hanggang pumutok ang balita sa kaso ni Hayden Kho at Katrina Halili na pawang mga personalidad sa Showbiz.
Dito, agad naipasa ang Cyberboso Bill kung saan sa ngayon, ang R.A 9995 na nagsisilbi nang banta para sa mga nasa likod ng sex scandal.
Mabigat ang parusang nakapatong sa sinumang magdodokumento, magtatago at magpapakalat ng anumang larawan at video nang pagtatalik at iba pang malalaswang gawain sa cell phone, digital camera at internet.
Kaya naman wala nang dapat ipag-alinlangan ang mga dating naging biktima ng sex scandal. Hindi na magdurusa ng tahimik ang sinumang biktima dahil sa batas na R.A 9995.
Maging ang mga biktima ng mga nakalipas na taon, sampung taon man ito o pataas, hangga’t lutang ang ebidensiya, mapaparusahan ang may kasalanan.
Subalit hindi porket may naipasa nang batas ang bansa laban sa sex scandal, titigil na ang BITAG sa pagkumpronta sa mga suspek na inireklamo sa aming tanggapan.
Nagkakamali ang mga may balak dahil wala pa ring palalampasin ang aming grupo kapag naisumbong sa aming tanggapan.
Bawat kalokohan, lahat ng kasamaan, may katapat pa rin na patibong ng BITAG.
Ito ang aming krusada, lalo sa mga kasong tulad nito.
- Latest
- Trending