EDITORYAL - Nakita ang kakulangan ng Comelec
ANG naganap na barangay at Sangguniang Kabataan election noong Oktubre 25 ang sinasabing pinakamarumi at pinakamagulo sa kasaysayan. Pinagbatayan nito ay ang nangyaring dayaan at bilang ng mga namatay. Bukod dito, nakita rin ang kakulangan ng Comelec sa pagsasaayos ng election. Naatrasado ang botohan sa maraming lugar dahil walang election paraphernalias. Humingi ng paumanhin ang Comelec sa nangyari.
Maraming paglabag ang kandidato at mahirap paniwalaan kung kaya pang habulin ang mga ito ng Comelec. Kung ang mga simpleng paglabag kagaya ng pagdidikit ng posters sa hindi designated areas ay hindi nila masawata, paano pa ang mga kandidatong lantarang bumibili ng boto.
Lantaran ang ginagawang paglabag ng mga kandidato at kanilang alipores. May bilihan ng boto. May flying voters at kung anu-ano pang bawal sa araw mismo ng election. Kung tutuusin, ang mga nangya-ring paglabag ay walang ipinagkaiba sa mga paglabag na nangyari sa mga nakaraang election. Nagkagulo rin sa maraming lugar.
Bukod sa mga paglabag, nakita rin ang kawalan ng disiplina ng mga kandidato sa pamamahagi ng campaign materials o sample ballots. Sa dami ng mga campaign materials na ipinamamahagi sa mga entrance ng school, nagtambak ang mga basura. Ang ganitong aktibidad na pamamahagi ng kung anu-anong polyetos sa mismong araw ng election ay dapat nang ipinagbawal ng Comelec. Nagdudulot lamang nang matinding basura sa mga eskuwelahan ang ipinamamahaging sample ballots. Bukod sa mga basura ng kandidato, nakadagdag din ang basura ng mga vendor. Ang mga basurang ang magiging dahilan na naman nang pagbaha at magdulot ng panibagong “Ondoy”.
Nararapat na ang mga nanalong barangay at SK chairman ang manguna sa paglilinis ng kanilang basura. Huwag nang hintayin na batikusin sa mga basura na sila rin naman ang lumikha.
Sa mga nangyaring kapalpakan noong nakaraang eleksiyon ay ang Comelec ang laging nababatikos at nasisisi. Nakita ang kanilang kakulangan sa barangay election pa lang at paano na sa pagsapit na naman ng presidential elections? Dapat nang magbago ang Comelec sa kanilang masamang systema.
- Latest
- Trending