Ano pa ang kailangang mangyari sa kabataan?
KAKASUHAN na ng DOJ ang suspek sa paghahagis ng granada sa pagtatapos ng Bar exams noong Setyembre, kung saan dalawang babae ang naputulan ng mga paa, at marami ang nasugatan. Pero ngayon, tila lumalaban na ang Alpha Phi Omega fraternity kung saan miyembro ng suspect na si Anthony Leal Nepomuceno. Katunayan ay sumuko muna si Nepomuceno sa kanyang big-time brod na si Vice President Jejomar Binay. Si Binay ang nagdala kay Nepomuceno sa DOJ. Ipinahayag ni Binay na walang kasalanan ang kanyang brod. Sinubukan din daw ni Nepomuceno sumuko sa mga iba pang big-time na alumni ng APO katulad ni dating Justice Secretary Silvestre Bello III. Umiiral na ang “brod ko, anuman ang mangyari” sa kasong ito. Humanap muna ng padrino bago sumuko. Kailangan ba iyon kung walang kasalanan? Dapat sa korte na lang alamin kung may kasalanan nga si Nepomuceno o wala.
Fraternity na naman ang pinag-uusapan natin, isang Grade 6 na batang lalaki ang natagpuang patay sa loob ng isang drum na lumulutang sa Manila Bay. Ang hinala ay namatay, o pinatay sa isang hazing. May nahuli nang suspek, na inamin na hindi nakayanan ng bata ang hazing na ginawa sa kanya kaya namatay. Ganun lang. Kaya inisip na lang na ilagay sa drum ang bangkay at bahala na kung saan dalhin ng mga alon?! Tau Gamma Phi umano ang fraternity na pumatay sa bata.
At tila may isa pang anggulo sa krimen na ito. Ang mga magulang ng bata ay mga sumusuporta umano sa isang kalabang fraternity, ang Alpha Kappa Rho! Kaya baka napag-initan nang husto ang bata dahil sa kanyang mga magulang! Iyong bata ang nagbayad para sa mga kasalanan ng magulang! Ano pa ba ang kailangang mangyari sa mga kabataan, sa lipunan, bago tuluyan nang ipagbawal ang lahat ng fraternity, kahit sino pang mga big-time na alumni nito? Nakita na natin na kahit sa mahihirap o mayayaman na paaralan, ganundin ang nagagawang krimen ng mga fraternity! Na pinapatay lang nila ang mga gustong sumali sa kanila! May anti-hazing law nga pero may saysay ba? Mga namamatay sa hazing na nakikitang lumulutang na lang sa dagat, mga sumasabog na granada sa Bar exams, mga gulo ng mga magkalabang fraternity kung saan nadadamay ang mga inosente, ano pa ang kailangang maganap sa lipunan na may kinauukulan sa fraternity? Kung ilegal na droga ang pangunahing problema ng lipunan, mga fraternity na ang kasunod. Masama kung pinagsasama pa ang dalawa!
- Latest
- Trending