'Isang bala ka lang!'(Huling bahagi)
NAISULAT ko nung Miyerkules kung paano natagpuang patay sa kanyang garahe si Elueterio ‘Jun’ Pailmao Jr.. Basag ang bungo...kumalat ang utak sa sahig ng dahil sa tama ng bala mula 9mm pistol.
Nagtinginan sila ng doktor. Hindi agad makasagot ito. Alam ni Matty at ng lahat ng mga kapatid ni Jun na walang dahilan para siya’y magpakamatay. Para sa kanila malalim ang dahilan at may ‘foul play’ ang pagkamatay nito.
“Col. Suicide po ba talaga ang nangyari? Nagpakamatay po ba talaga ang bayaw ko?” pagduda ni Matty.
Lumabas ang resulta ng medico legal examination na isinagawa ng Medico Legal Officer na si Col. Bonnie Y. Chua. Na-recover ang bala ng 9mm sa occipital lobe ng utak ni Jun. Ito’y nanggaling umano sa mismong baril na 9mm na Taurus na natagpuan sa tabi ng kanyang katawan sa kanilang garahe.
Makalipas ang 40 days resulta naman ng Paraffin Test ng Philippine National Police (PNP), Crime Laboratory ang lumabas. Base sa Paraffin Test Result, conclusion: Both hands of the above mentioned cadaver do not contained gunpowder nitrates.
Ito ang nagsilbing basehan para umapela na ang pamilya ni Jun. Kwento ng kapatid niya na si Serenia kinompronta na niya ang asawa nitong si Rose Marie “Marie”. Sinabi niyang kailangan ng hustisya ni Jun. Hindi sila papayag na balewalain niya lang lahat ng ito.
“Sila-sila lang ang tao sa loob. Ang rehas ng gate nakadikit sa bubong. Sino naman ang papatay sa kapatid ko kundi yung mga nandun lang sa bahay,” sabi ni Serenia.
Ayaw naman umano magreklamo nitong si Marie lalo na’t ang pangunahing suspek sa umano’y pagpatay ay ang pinsan niyang si Edwin Asero Loverita.
“Huwag na tayo magreklamo... Ayoko ng palakihin ito. Isa pa pinsan ko si Edwin,” paliwanag umano ni Marie.
Hindi naman pumayag sina Serenia. Sinabi niya kay Marie na kung ayaw niya magsampa ng kaso sila na lamang ang magrereklamo.
Napilitan umano si Marie na mag-file ng kasong Murder sa Prosecutor’s Office Caloocan laban kay Edwin.
Mula taong 2008 wala ng naging balita pa sina Serenia kung anung naging takbo ng kaso ng kapatid. Nitong Setyembre naisipan ni Serenia at asawang si Matty na i-‘follow up’ ang kaso.
Nalaman na lang niyang nasa Regional Trial Court (RTC), Branch 125 na pala ito. Nitong Pebrero pala gumawa na ng ‘affidavit of desistance’, isang kasulatan nagpapahayag na, “Na naisip ko na ito’y bunga ng hindi pagkakaunawaan lamang at dahil dito hindi na ako interesadong ipagpatuloy pa ang habla laban sa akusado,”. Ito ang naging basehan para permanenteng i-‘dismiss’ ni Judge Dionisio C. Sison ang kaso.
Hindi matanggap ng mga kapatid ni Jun kung bakit gagawin ito ni Marie. Hindi nila maiwasang magduda at magtanong kung may foul play sa pagkamatay ng kanilang kapatid. Kung sinong nasa likod nito! Kaya’t kumilos sila’t pumunta sa aming tanggapan.
Itinampok namin ang istorya ni Jun sa aming programa sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” sa DWIZ 882 KHZ (tuwing 3:00 ng hapon)
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, binasa namin ang mga dokumentong dala ng magkakapatid. Pinaghambing namin ang salaysay ng dalawang tao na nandun sa ‘scene of the incident’, sina Marie at Edwin.
Ang salaysay ni Marie na ibinigay sa PNP, Caloocan. Ayon kay Marie matapos mag-toothbrush lumabas si Jun sa garahe. Ilang minuto lang ay nakadinig siya ng putok galing sa garahe. Lumabas siya at si Gloria Bertodazo (kanilang katulong). Nakita nalang niya si Edwin sa garahe at sinabing, “Edwin ano iyong putok? Ang kuya mo nasaan?”. Sagot naman nito, ‘Ate may dugo’.”
Idinagdag niyang nilapitan niya si Jun na nakahadusay sa sahig ng garahe.
Sa salaysay naman ni Edwin nakarinig daw siya ng putok mga 6:00 ng gabi na pakiramdam niya’y nanggaling lang sa loob ng bahay. Ang ginawa niya lumabas siya ng kwarto niya. Nakasalubong niya ang pinsang si Marie. Sabay na silang nagmadaling pumunta sa garahe. Inutusan daw siya ni Marie na sindihan ang ilaw at ng magliwanag dun lamang nila sabay nakitang si Jun, nakahandusay sa ibabaw ng kanyang sariling dugo.
Alin ba ang tama? Magkasabay kayong dumating o nauna ka at nakita ka ni Marie? Sa isang kaso na wala namang nakasaksi ng tunay na pangyayari, matimbang ang FORENSIC REPORT at ang testimonya ng mga taong maaring sangkot. Ang nilalaman ng ‘complaint affidavit’ ni Marie na nakita niya ang kanyang asawa sa kanilang garahe, may tama ng bala sa ulo at tanging si Edwin ang nandun ang naging batayan ng taga-usig sa ‘preliminary investigation’ upang makitaan ito ng ‘probable cause’ at masampahan ito ng kaso. Ang isinampa sa Prosecutor’s Office ay kasong murder subalit dahil ‘circumstantial’ ang pagkakadawit dito, ibinaba ito mula sa orihinal na murder na isinampa ng pulis at ginawang homicide kaya’t nakapagpiyansa ito.
Ang sentro ng usapin na dapat pagtuunan ng pansin ay bakit matapos ang dalawang taon basta na lang bibitiw ka sa laban Marie? Hindi ka man lang nagbigay abiso sa pamilya ng iyong asawa na iuurong mo na ang demanda laban sa pinsan mo. Kung hindi ka na interesado na ipagpatuloy ang kaso sana hinayaan mo na lang ang mga kapatid ni Jun ang nagpatuloy ng laban. Sa pagkaka-dismissed ng kaso dahil itong si Edwin ay nabasahan na ng demanda, nakaroon na ng ‘arraignment’ hindi na pwedeng ihabla pa siyang muli dahil papasok na ang ‘Principle of Double Jeopardy’. Kung saan ipinagbabawal na ang isang suspek ay mademanda ng dalawang beses para sa iisang krimen o insidente. Sana ang mga pangyayari ay hindi isang ‘legal maneuver’ para maikutan ang batas at matakasan ang krimen. Ang resulta ng medico legal report kung saan ang bala ay sa bandang bunbunan ng biktima pumasok. Hindi ito ang normal na tama sa isang ‘suicide case’. Kadalasan isinusubo ang baril o itinututok sa sentido, pagkatapos kinakalabit. Ang iyong pag-urong sa kaso ay nagbibigay ng malakas na dahilan sa mga kapatid ni Jun na sabihing dapat ikaw ang maimbestigahan. Hindi sila naniniwala na si Jun ay nag-‘suicide’. Maraming dahilan para gustuhin niyang mabuhay sa mundong ito. May anak siya, maayos ang kanyang negosyo. Wala siyang mabigat na problema. Bakit siya magpapakamatay? Higit pa dito wala raw iniwang ‘suicide note’ o ‘text’ man lang si Jun sa kanila na magpapahiwatig na ito’y nagpakatiwakal. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)
Sa gustong dumulog ang aming numero, 09213263166 o 09198972854. Ang landline 6387285 at ang 24/7 PLDT hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Sabado.
- Latest
- Trending