'Isang bala ka lang!'
(Unang bahagi)
‘LOTTO winner pinatay ni misis?’
Mga nagsusumigaw na ulo ng balita ng mga tabloids tungkol sa isang lotto winner daw na mister na umano’y pinatay ng kanyang misis.
ISANG tama ng bala ng kwarenta’y singko ang bumasag sa bungo ng isang lalake at naging dahilan para kumalat ang kanyang utak sa sahig ng kanilang garahe nung Ika-21 ng Setyembre 2008.
Ang biktima ay si Elueterio “Jun” Pailmao Jr. nakita siyang nakahiga, naliligo sa sariling dugo sa pagitan ng kanyang dalawang nakaparadang sasakyan... agaw buhay. Nagpakamatay daw ito sa pamamagitan ng pagbaril sa tutok sa kanyang ulo gamit ang kanyang 9mm.
Matapos ang dalawang taon, lumapit sa aming tanggapan ang mga kapatid ng biktima na sina Celestina Quero, Teofila Madrigal, Serenia at asawa nitong si Mateo ‘Matty’ Solibaga. Ipinipilit na hindi nag-suicide ang kapatid. Hinihiling nilang maimbestigahan ang kahinahinalang ginawa at inasal ng asawa ni Jun. “Hindi suicide ang nangyari, pinatay ang kapatid namin,” pahayag nila.
Labing apat na taon ng kasal si Jun kay Rose Marie Asero o “Marie” ng mangyari ang umano’y pagpatay sa kanya. Magmula ng magtrabaho bilang Domestic Helper (DH) si Marie sa Jeddah, Saudi Arabia hindi na mabilang ang mga naipundar ng kanilang pamilya ito’y sa dahilan na naging masipag at nagsumikap itong si Marie.
Taong 2003 nang tumigil sa pagdi-DH si Marie. Bumalik siya sa Pilipinas dahil sa palagay niyang sapat na ang kanyang naipon para sila naman ay magnegosyo. Nagpatayo sila ng isang bahay sa Caloocan at nung sumunod na taon nakapagpatayo siya ng mas malaking bahay. Nagtuluy-tuloy ang swerte ng mag-asawa sa Sta. Maria, Bulacan naman sila nagpatayo ng isa pang 12-door apartment, isang babuyan na may tatlong daan metro kwadrado ang laki (300sqm). Pinasok rin nila ang pagnenegosyo ng ‘dry goods’. Isang ‘grocery store’ naman ang kanilang binuksan sa Bulak, Bulacan.
Mula taong 2007, mga negosyo nila Jun na ang kanilang pinagkaabalahan. Hindi na niya pinayagang umalis ng bansa si Marie.
Napansin nila Serenia ang pagbabago sa kilos ng mag-asawa. Bantay sarado na si Marie kay Jun.
“Ilang minuto lang ang layo ng bahay naming magkakapatid subalit hindi kami nanghimasok sa buhay nilang mag-asawa kaya hindi na namin sila pinakialamanan,” pahayag ni Serenia.
Ika-21 ng Setyembre 2008, bandang 8:30 ng gabi nakatanggap ng tawag si Serenia kay Marie.
“Ate si Jun nagpakamatay... tatlong putok,” sabi ni Marie.
Nag-‘hysterical’ si Serenia... nagsisigaw halos bitiwan niya ang telepono sa narinig. Napansin ni Matty ang reaksyon ng asawa. Inagaw niya ang telepono.“Marie anu bang nangyari?” tanong nito.
“Kuya... si Jun nagpakamatay. Pumunta na kayo dito!” Sagot ni Marie.
Pumunta ang mag-asawa kina Jun. Wala pang walong minuto nandun na sila. Nakapaligid ang mga tao... bukas na ang ‘gate’. Nandun na ang mga Scene of the Crime Operatives (SOCO) at Philippine National Police (PNP), Caloocan.
Tumambad na lang sa kanila ang bangkay ni Jun. Nakabulagta ito sa pagitan ng dalawang sasakyan niyang Mitsubishi Adventure at Fortuner habang may 9mm na baril malapit sa kanyang kaliwang kamay.
“May puting bagay na lumalabas sa kanyang ulo at tenga na parang nadurog na utak. Maliban dun wala ng ibang dugo kundi ang umagos sa kanyang binti’t paa,” pagsasalarawan ni Matty.
Tinanong nila si Marie kung anong nangyari. Ayon kina Matty, ang mga susunod ay ang kwento ng asawa sa kanila.
Kagagaling lang nila nun sa babuyan. Pagdating sa bahay dumiretso siya sa kusina upang kumain. Nag-‘tooth brush’ naman itong si Jun. Ilang segundo lang lumabas ito papunta sa garahe.
Nakarinig siya ng isang putok. Lumabas siya sa garahe nakita na lang niya ang asawang nakasandal sa Adventure. Nakaupo’t nakayuko. Nilapitan niya ito nakita niya si Jun na duguan... wala ng buhay.
“Niyakap ko siya at hinila pahiga...” umano’y kwento si Marie.
Tinawag niya ang pinsang si Edwin Loverita, kanyang ‘boy’ na noo’y nasa ‘basement’.
“Edwin pumunta ka rito...may tama ng baril ang kuya mo,” pagtawag inuutusan ni Marie si Edwin na humingi ng tulong PNP Caloocan. Sinabi umano niya sa pinsang ipaalam sa mga pulis na nagpakamatay si Jun. Matapos nun ay tumawag na daw siya kay Matty.
Nagduda si Serenia kung anung motibo para mag-suicide ang kapatid.
“Marie, anu bang naging problema ninyo ni Jun?” Tanong niya.
Sagot naman ng hipag, “Anung magiging problema namin? Lahat meron kami.. pera, negosyo. Ang saya-saya pa namin sa sasakyan kanina, nagtatawanan pa kami.”
Nagduda sila Serenia. Alam nilang imposibleng magpakamatay si Jun. Hinala nila pinatay ito.
Tinanong ni Matty kung bakit hindi ito isinugod sa ospital. Sagot naman umano ni Marie. “Wala eh, patay na eh!”.
Hindi naging maganda ang dating ng mga sagot ni Marie, ayon kina Matty subalit hindi naman ito ang tamang panahon para kumprontahin ito.
Kinausap ni Matty ang isang SOCO Officer at sinabing isailalim sa i-paraffin testing si Jun.
Dinala ang katawan nito sa St. Mathew Funeral. Umaga na ng isailalim ito sa medico legal examination. Base sa isinagawang pagsusuri ni Col. Bonnie Y. Chua, Findings: Gunshot wound, point of entry, frontal region, measuring 3 x 2.5 cm. bisected along the anterior midline, 4cm from the vertex, directed posterior wards, slightly downwards and medial wards, lacerating the under-plate and lacerating the frontal lobe and the occipital lobe with a deform metallic slug recovered thereat.
Hiningi ni Matty kung anung opinion ng doktor dito. “Col. Suicide po ba talaga ang nangyari? Nagpakamatay po ba talaga ang bayaw ko?”
Nagtinginan sila ng doktor. Hindi agad makasagot ito. Alam ni Matty at ng lahat ng mga kapatid ni Jun na walang dahilan para siya’y magpakamatay. Para sa kanila malalim ang dahilan at may ‘foul play’ ang pagkamatay ng kanilang kapatid. Ito ang katanungang bumabagabag sa kanilang isipan ng matagal ng panahon. Luminaw lang ang lahat ng ito nitong taon na maaring tugunan ang kanilang pagdududa.
ABANGAN ang mga susunod na pangyayari sa BIYERNES. EKSKLUSIBO dito lang sa CALVENTO FILES sa PSNGAYON. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)
SA gustong dumulog ang aming mga numero, 09213263166 o sa 09198972854. Ang landline 6387285 at ang aming 24/7 hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Sabado.
* * *
Email address: [email protected]
- Latest
- Trending