'Dumaraming drayber na isnabero.'
TINATAWAGAN ng BITAG ng pansin ang tanggapan ng Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board.
Panahon na naman ng pagdami ng mga reklamo laban sa pasaway, manggagantso at isnaberong mga taxi driver.
Humihingi ng tulong ang mga nagrereklamo na masolusyunan ang mga abusadong tsuper ng taxi na gawaing mamili ng pasahero, mangontrata at magdagdag ng pasahe ng walang metro.
Matagal nang problema ang baluktot na sistema ng ilang mapagsamantalang taxi driver sa kalsada, paulit- ulit lamang at nadadagdagan pa ang gumagawa ng iligal na aktibidades na ito.
Sinasabing tumataas ang bilang ng mga nabibiktima tuwing buwan ng “BER”, subalit ang katotohanan, marami pang reklamong hindi naitala at hindi nakakarating sa kinauukulan.
Minabuting hindi na magreklamo at manahimik lamang dahil sa abala at sa posibleng kawalan ng tiwala sa kabi-kabilang kampanya laban sa mga isnaberong taxi driver.
Eto ang nagpapalakas ng loob ng mga kolokoy na garapalang gawin ang kanilang pananamantala sa mga pasahero. Iilan lang kasi ang nabibigyan ng leksiyon.
Kaya naman nananawagan ang BITAG at inuudyok namin ang publiko na makipagtulungan sa mga otoridad o di kaya’y sa BITAG.
Isumbong sa aming tanggapan etong mga tinamaan ng lintik na isnaberong taxi driver. Babala sa mga mahuhulog sa camera ng aming BITAG roving strike force.
Bukas rin ang aming tanggapan, mga linya ng telepono at cellphone para makarating ang inyong reklamo.
Hindi namin sasantuhin ang sinumang abusadong irereklamo na may kinalaman sa gawaing ito, kasama ang mga otoridad, kailangang maturuan sila ng leksiyon.
Kaya sa mga tanggapang aking nabanggit sa kolum na ito, galaw-galaw para iwas stroke…kilos na…pronto!
- Latest
- Trending