^

PSN Opinyon

'Doctor 'nose' best'

- Tony Calvento -

(Unang bahagi)

TAYO’Y mga Pinoy, tayo’y hindi Kano. Huwag kang mahihiya kung ang ilong mo ay pango? Mga titik mula sa isang kanta na pinasikat ng grupong Banyuhay na inilapat ni Heber Bartolome.

Nagsadya sa aming tanggapan si Jeannette Carandang, 36 na taong gulang, dating executive assistant ng isang malaking kumpanya sa Makati.

‘Beauty and Brains’ sa unang tingin si Jeannette, mas kilala sa tawag na “Janet”. Matangkad, makinis ang kutis, mestizahin. Artistahing masasabi subalit kapag tiningnan mo nang malapitan, pansin agad ang kanyang ilong.

Graduate siya ng Computer Secretarial sa Philippine Christian University (PCU), Taft. Walang ibang inatupag si Janet kundi ang kanyang career sa loob ng halos 14 na taon. Ganun pa man hindi siya nawalan ng oras sa kanyang sarili. Aminadong siya’y banidosa.  

Taong 2000, nang alukin siya ng ina na sumailalim sa isang ‘cosmetic surgeon’ na si Dr. Eugenio para iparetoke ang kan­yang ilong. Una ng nagpaayos ng ilong ang ina nito kay Dr. Eugenio.

“Dagdag paganda lang ito (enhancement). Wala namang masama… kaya sinubukan ko na rin,” sabi ni Janet.              

Tinurukan ng ‘paraffin’ ang ilong niya para magmumukhang matangos ang buto nito.        

Maayos naman umano ang naging resulta ng operasyon. Kuntento siya sa kinalabasan. Makalipas ang ilang taon napansin na lang niya ang pamamaga ng kanyang ilong.

Mabilis siyang nagpasuri sa isang doktor. Sa pagkakataong ito, hindi na siya lumapit kay Dr. Eugenio o sa isang cosmetic surgeon kundi sa isang Reconstructive Surgeon.

Ni-refer sa kanya ng kaibigang si “Avon” si Dr. Rogelio Torrio.

“Sinugest sa akin ni Dr. Torrio na tanggalin ang paraffin na inenject sa ilong ko nagkaroon na kasi ng infection,” pahayag ni Janet.

 Nagkasundo sila sa halagang Php25,000. Buwan ng Abril 2006 nang tanggalin (i-scrap) ni Dr. Torrio ang paraffin.

Matagumpay naman umano ang naging operasyon. Tuluyan nang nawala ang maga nito, ang naging problema lang, hindi maalis ang pula sa ilong ni Janet.

Nagtaka siya kung bakit hindi mawala ang pamumula. Ini-refer siyang muli ni Avon sa isang doktor. Sa puntong ito, isang kilalang celebrity cosmetic surgeon na ang kanyang nilapitan. Si Dr. John Cenica.

Hunyo 2006, nakausap ni Janet si Dr. Cenica. Inexamine ng doktor ang kanyang ilong. Sinabi umano nitong, “Naku! Janet may natira pang paraffin… kailangan nating tanggalin.”

Makaraan ang ilang araw, iniskedyul na siya sa operasyon. Pinainom siya ng Dormicum o isang gamot na pampatulog. Habang inooperahan si Janet, narinig na lang umano niya si Dr. Cernica na nagsabi sa isang nars na, “Ayaw nang sumara ng columella (gitnang bahagi ng ilong)!”

Binalewala naman ni Janet ang narinig. Tumagal nang halos dalawang oras ang pag-‘scrap’ ng umano’y naiwan na paraffin. Kasama na rin dito ang ‘nose lift’ na isasagawa sa kanyang ilong para maibalik ang dating porma nito.

Maayos ang naging resulta. Binigyan siya ng reseta ng mga gamot Dr. Cenica. Makalipas ang dalawang linggo babalik siya sa doktor para tanggalin na ang tahi sa kanyang ilong.

Wala pang isang linggo napansin na lang ni Janet na nangi­ngitim na ang gitna ng kanyang ilong. Inakala niyang normal lang ito. Dumaan ang ilang araw, pagkaligo ni Janet napansin niyang wala ang itim. Natuwa siya sa resulta subalit nang titigan niya nang malapitan sa salamin, nakalabas na umano ang ‘implant’ sa ilong niya.

Tinawagan niya si Dr. Cenica. Mabilis siyang pinapunta sa clinic nito sa Ermita, Manila.

Nung araw ding ’yun sinabihan siya ni Cenica na kailangang matanggal agad ang implant. Tumanggi si Janet.

“Dok, paano po yan? Wala po akong kasama. Baka po pwedeng bukas na lang, maghahanap po ako ng bantay ko,” sabi ni Janet.

Kasama ang pinsan, bumalik sila kay Dr. Cenica. Tumagal ng mahigit isang oras ang operasyon. Pinatingin kay Janet ang resulta. Nagulat siya nang pagharap sa salamin ‘flat’ na ang kanyang ilong. Wala na ang gitnang buto nito.

“Bakit po ganito ang itsura? Ano pong nangyari Dok? Bakit ang pangit!” tanong ni Janet sa Doktor.

“Huwag kang mag-alala… aayusin ko yan! Akong bahala sa’yo,” umano’y sagot ng Doktor sa kanya.

Dumaan na ang dalawang linggo subalit hindi na umano nagparamdam ang doktor. Tinawagan siya ni Janet sa clinic subalit sa tuwing tatawag siya, nasa operating room umano ito.

Sa loob ng dalawang magkasunod na araw limang beses kung tumawag si Janet subalit hindi niya makausap si Dr. Cenica.

Hiningi ni Janet ang private number nito kay Avon. Tinawagan niya ang doktor.

“Dok? Anong plano, si Jeannette Carandang ito? Bakit hindi ka man lang nagre-return call? Ilang beses akong tumawag sa clinic mo.”

Kinabukasan pinapunta siya ni Cenica sa clinic. Kinakailangan umanong kumuha ng balat sa kanyang mukha para sa susunod na operasyon.

Nagtaka na si Janet kung saan gagamitin ang balat? Ika-20 ng Agosto 2006, muling iniskedyul sa isang operasyon si Janet.

Pinainom siyang muli ng Dormicum. Dalawang oras siyang nakahiga sa operating room nang papuntahin siya ng nars sa opisina ni Cenica. Hindi na umano itutuloy ang operasyon.

“Bakit po Dok? ” tanong ni Janet.

Nagkatinginan sila ni Doktor Cenica at pabulong niyang sinabi, “May malaking problema tayo sa ilong mo. Baka hindi ko na kayanin ito…”.

Nabigla si Janet sa mga katagang kanyang narinig. Naram­daman niyang namanhid ang kanyang katawan.

ABANGAN ang karugtong ng seryeng ito sa BIYERNES, EKSKLUSIBO dito lang sa CALVENTO FILES sa PSNGAYON.

(KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)

SA gustong dumulog ang aming mga numero, 09213263166 o sa 09198972854. Ang landline 6387285 at ang aming 24/7 hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Sabado.

* * *

Email: [email protected]

DR. CENICA

ILONG

ISANG

JANET

KANYANG

SIYA

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with