Kakila-kilabot na bus accident
NAKAPANGINGILABOT ang aksidente ng bus sa Bgy. Banangan, Sablan, Benguet kung saan 42 katao ang namatay. Nahulog ang ESO-NICE Transport Express Inc. sa bangin na 150 talampakan ang lalim. Galing Baguio City ang bus patungo sa La Union.
Grabe na ang mga nagaganap na aksidente ng bus. Noong Enero 20, 1999, nahulog sa 50 talampa-kang bangin ang Baguio Bus Lines sa Naguilian Road at ikinamatay ng 22 katao. Patungo ng La Union ang bus.
Pebrero 2, 2002 ay isang Norton Bus ang nahulog din sa bangin sa Benguet at 16 na katao naman ang namatay.
Noong Nobyembre 24, 2002, nahulog sa bangin ang Falcon Bus Liners sa Quirino Highway, Quezon at 33 ang namatay.
Labingwalo naman ang namatay nang naaksidente ang Victory Liner bus sa Bgy, Rabon, Pangasinan, noong Abril 2, 2005.
Noong Mayo 11, 2005, naaksidente ang Byron bus sa Marcos Highway, Benguet at 27 katao ang namatay. Patungong Dagupan City, Pangasinan ang bus.
Noong Hunyo 13, 2010, isang tourist bus ang nahulog sa bangin sa Trans Central Highway, Bgy. Cansomoroy, Cebu at 20 katao na pawang Iranian medical and nursing students ang namatay.
Noong Hulyo 3, 2010, naaksidente ang VJ & A Bus Company sa Toledo City, Cebu at 15-katao ang namatay.
Ayon sa aking anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada, bubusisiin niya ang naturang usapin partikular ang aspeto ng safety regulations sa pagbibiyahe ng mga bus upang maiwasang maulit o masundan pa ang nakakikilabot na mga bus accident.
- Latest
- Trending