Ipagpasalamat na angat ka
PADALA ito ni mambabasa Ernie Reyes ([email protected]):
Isang bagong saltang kaluluwa ang umakyat sa langit at nakaharap si San Pedro. Namasyal sila sa langit. Pumasok sa hall na punung-puno ng mga nagsisikilos na anghel. Nagpaliwanag si San Pedro: “Ito ang silid-tanggapan. Dito tinatanggap lahat ng mga kahilingan at panalangin.” Napansin ng kaluluwa na subsob sa trabaho ang libu-libong anghel.
Nagpatuloy silang maglakad at napadaan sa isa pang bulwagang puro anghel na abala sa trabaho. “Ito ang Packaging and Delivery Section,” ani San Pedro. “Dito, ang mga biyaya at pagpapala na hiniling ng mga tao ay binabalot at pinadadala sa lupa.” Muli libu-libong anghel ang naroon.
Hanggang sa dumako sila sa ikatlong silid, kung saan iisa lang ang anghel, na inaantok sa kawalan ng ginagawa. Umiling si San Pedro at nagwika: “Ito sana ang Acknowledgment Section. Tahimik at malungkot dito. Pagkatapos makatanggap ng sagot sa kanilang panalangin ang mga tao, kokonti ang nagpapasalamat.”
“San Pedro, papaano ba dapat magbigay ng acknowledgment sa ipinagkaloob ng Diyos?” tanong ng kaluluwa.
“Simple lang,” ani San Pedro. “Sabihin lang, ‘Salamat, Panginoon’.”
“At ano bang pagpapala ang dapat ipagpasalamat sa Panginoon?”
Tumuwid ng tayo si San Pedro: “Kung may pagkain ka sa iyong hapag, damit na sinusuot, bahay na sinisilungan, at kama na tinutulugan, ika’y mas mayaman kaysa 75% ng tao sa mundo. Kung may salapi kang naiipon sa pitaka at may natitira pang pang-liwaliw, isa ka sa 8% sa mundo na may hanapbuhay. Kapag gumising ka kaninang umaga nang walang sakit, mas pinagpala ka sa milyong tao sa mundo na hindi na makabangon sa hirap ng buhay. Kung di mo nararanasan ang takot sa gitna ng giyera, ang kalungkutan sa loob ng piitan, ang pasakit ng mga pagsubok, at ang pangil ng pagkagutom, mas malayo ka nang milya-milya sa 700 mil-yong tao.
Hindi ba’t dapat ipag-pasalamat ito sa Diyos?
- Latest
- Trending