Panawagan para sa EMS.
BIBIGYANG daan ng BITAG ang kolum na ito ang panawagan ng isang ginang na nagpadala ng mensahe sa message board ng BITAG website.
Maging daan nawa ang panawagan niyang ito upang kumilos ng tama at umaksiyon ng mabilis ang pamunuan ng Express Mail Service na kaniyang inirereklamo.
Narito ang kaniyang buong mensahe na ipinadala sa pamamagitan ng message board ng aming website nitong Miyerkules lamang.
“Humihingi po ako ng tulong sa pag-iimbestiga at paglabas ng katotohanan tungkol po sa allegedly hijacking incident ng Express Mail Service(EMS)Delivery Van noong 11am ng July 19, 2010. Ganito po ang nangyari,Tumatawag ako sa kanila ng mula 1pm til 4pm pero walang sumasagot, 5 minutes before 5pm saka po may sumagot at hiningi ang tracking number at ang sabi sa akin may nangyaring hijacking at isa ako sa 48 katao na nawalan pero bukas nalang daw ako uli tumawag dahil wala pa silang police report. Ang ginawa ko po pumunta nalang ako sa office nila. Pagdating ko po doon wala po sila maipakitang kahit police report man lang noong incident na nagpapatunay na totoong nangyari ang hijacking at hindi inside job lamang, instead ang pinakita sa akin ay barangay report. Tulungan nyo po sana akong maipalabas ang katotohanan, dahil ayon na rin sa kanila May, Jun, July sunod-sunod na nagkaroon ng ganitong allegedly hijacking incident pero hanggang ngayon wala man lang silang ginagawang aksyon, o mapatunayan man lang sa mga nawalan na totoo itong hijacking na ito at hindi gawa-gawa lamang para makapagnakaw. At ang sabi pa sa amin nung isa sa head nila, dapat daw yung sender ang magreklamo at sa Japan daw dapat magreklamo. Tama po ba yung sinasabi nya, e sa ’Pinas po nawala. Sana matulungan nyo ako baka sa susunod na buwan e may mabiktima sila uli.”
Walang labis-walang kulang ang inilathala ng BITAG sa espasyong ito, maliban sa hindi namin pagbanggit ng kaniyang pangalan. Ang ginang na nagrereklamo ay mula sa Quezon City.Tinatawagan ng BITAG ng pansin ang EMS na siyang laman ng panawagan ng ginang sa kaniyang reklamo.
Ayaw naming maglaro sa aming isipan na muling nauulit ang modus na SIPA na naimbestigahan na noon ng BITAG sa EMS noong 2005. Ayusin niyo ang gusot na ito bago kami manghimasok. Kilos, pronto!
- Latest
- Trending