Painitin muna ang upuan
NAPAKALAKI ng inaasahan natin sa bagong presidente. Hindi tayo masisisi dahil sa pinagdaanan ng bansa sa nakaraang siyam na taon. At sa unang talumpati ni President Noynoy Aquino noong Miyerkules, ipinakita niya na hindi tayo bibiguin. Titiyakin niya na magkakaroon ng tunay na pagbabago at magsisimula iyon sa kanya. Ito na yung ukol sa hindi paggamit ng sirena at hindi paghawi ng mga sasakyan kapag siya ang dumadaan sa kalye. Giniit pa niya na ang mamamayang Pilipino ang tunay na boss, at hindi ang presidente, ni ang mga miyembro ng Gabinete niya. Kaya naman nagkaroon tayo ng bagong lakas, bagong kapangyarihan kumbaga, dahil sa mga binangit ni P. Noy.
Nakikita ko nga na kapag may narinig na sirena o wangwang ang mga tao sa kalye, hinahanap nila ang pinanggagalingan nito para makita kung may karapatan nga ang sasakyan na gumamit ng wangwang. Kapag hindi, sinisita, tinuturo at sinisigawan pa ng mga mamamayan! At bakit hindi? Kung ang presidenye ay hindi umaabuso ng ganyan, bakit pa ang hindi naman karapat-dapat. Marami na nga ang nakukumpiska ng PNP na mga ilegal na sirena, ilaw at plaka, dahil lang sa talumpati ni P. Noy noong Miyerkules.
Pero sa kabila ng bagong kapangyarihan ng mamamayan, may isang panig din sa isyung ito. Isang linggo pa lang ang nakakaraan magmula nang hawakan ni P. Noy ang gobyerno, pero kung magreklamo ang iba ay tila taon na ang dumaan at wala pang nagaganap na pagbabago! Kung anu-ano ang pinupuna sa mga miyembro ng Gabinete na isang linggo pa lang pumapasok sa kanilang mga bagong trabaho! Di kaya dapat pabayaan na muna natin ang lahat na painitin ang kanilang mga inuupuang silya, bago sila makatanggap ng pintas, kritisismo at batikos? Siyam na taong hawak ng administrasyong Arroyo ang gobyerno, at nasanay tayong lahat na punahin, sitahin at pintasan ang kanilang mga lantarang pagkakamali. Pero siyam na taon yun. Kung magreklamo ang iba diyan ay parang mas masama na ang bagong administrasyon kaysa iyong pinalitan nila, sa loob ng isang linggo!
Naiintindihan ko na nagmamadali ang lahat para sa pagbabago. Darating iyan, lalo na kung ang presidente na mismo ang nangunguna. Mahalagang sundan siya ng mga miyembo ng Gabinete at hindi yung mga may sariling agenda lang.
- Latest
- Trending














