EDITORYAL - Tutukan ang sektor ng edukasyon
NAPAG-IIWANAN ang edukasyon at panahon na para ito matutukan ng bagong administrasyon. May kalidad na edukasyon ang nararapat para makabangon ang bansa. Dapat nang makatakas sa kamangmangan ang mamamayan. Kung sa mga nakaraang administrasyon ay hindi nabigyan ng tamang atensiyon, ngayon, maraming nag-eexpect na isasaprayoridad ni President-elect Benigno “Noynoy” Aquino III ang pagreporma sa edukasyon.
Maraming umaasa na bubuhusan ng budget ang Department of Education (DepEd) para naman makapagpagawa nang maraming school at nang makapag-aral ang lahat ng mga bata. Sa mga nakaraang administration, marami ang hindi makapag-aral sapagkat kulang mga school building at classrooms. Kahit na gustong mag-aral ng mga bata ay hindi naman nila magawa dahil sa kakulangan ng mga silid-aralan. Hanggang sa hindi na pangarapin pang makapag-aral. Kaya marami sa mga nasa liblib at maski sa Metro Manila ang hindi marunong bumasa at sumulat. Hanggang sa manahin din iyon ng kani-kanilang mga anak. Dumami nang dumami ang mga mangmang.
Magandang malaman na isang mahusay na edukador mula sa De la Salle University ang kinuha ni Noynoy para pamunuan ang DepEd. Si Bro. Armin Luistro, presidente ng De la Salle University ang magiging DepEd secretary. Noon pa ay madalas nang marinig ang pangalan ni Luistro sa larangan ng edukasyon.
Bukod sa pagbubuhos ng mga mahuhusay na tao para pamunuan ang DepEd, nararapat din namang magkaroon nang mahuhusay na guro sa mga paaralan. Paano magiging mahusay ang estudyante kung ang nagtuturo ay walang gaanong kasanayan? Bigyan ng mataas na sahod ang mga mahuhusay na guro. Buhusan nang maraming benepisyo.
Ang mga librong ginagamit ng mga estudyante ay nararapat din namang dumaan sa pagsusuri ng mga eksperto. Hindi na dapat mapasakamay ang mga librong tadtad ng errors at inililigaw ang mga estudyante.
May kalidad na edukasyon ang nararapat para manguna ang mga Pilipino sa maraming lara-ngan. Ito ang inaasahan sa gobyerno ni Noynoy. Aangat muli ang Pilipinas kapag ang sistema ng edukasyon ay natutukan at nabigyang-prayoridad.
- Latest
- Trending