EDITORYAL - Kampanya sa family planning
“IPLANO ang pamilya, iplano ang kinabukasan.” Ito ang motto ng Department of Health (DOH). Mula nang maging secretary ng DOH si Esperanza Cabral, masigasig siyang maimulat sa katotohanan ang mamamayan ukol sa pagpaplano ng pamilya. Naging kontrobersiya si Cabral noong Pebrero 14, 2010 (Valentines Day) nang mamudmod ng condom sa mga kustomer ng bulaklak sa Dangwa, Dimasalang. Hindi lamang ang pag-iwas sa mga nakahahawang sakit sa pakikipagtalik ang nais na ipaunawa ni Cabral kaya namudmod ng condom, para rin ito sa pagpaplano ng pamilya. Kung ang mag-asawa ay maipaplano ang kanilang pamilya, naiplano na rin nila ang kinabukasan. Ayon kay Cabral, magiging maayos ang buhay ng mga mag-asawa kung maipaplano ang kanilang kinabukasan.
Ngayong taon na ito, tumaas ng 1.9 percent ang bilang ng mga Pilipino. At nangangamba ang DOH sapagkat sa halip na mapigilan ang pagdami ay lalo pang nadadagdagan. Ayon sa DOH para ma-stabilize ang population, kailangang maibaba ito sa 1.3 hanggang 1.4 percent. Pero ayon sa DOH, sa halip na bumaba ay tumataas pa. Mabilis ang pagtaas na maaaring sapitin ang population explosion.
Sabi ni Cabral, matatamo lamang ang tamang bilang ng mga Pilipino sa pamamagitan ng intensified family planning campaign. Nararapat na magkaroon ng mga bagong estratehiya para mahikayat ang mga mag-asawa na maiplano ang kanilang pamilya. Ayon kay Cabral, isa sa dapat gawin ay ganap na ma-inform ang mga mag-asawa ukol sa tamang pagpaplano ng kanilang pamilya. Mabisang komunikasyon ang nararapat para magkaroon ng kaalaman at pagkaunawa ang mga mag-asawa lalo pa ang mga squatter’s area at maging nasa liblib na lugar.
Tama si Cabral. May punto siya na kapag naiplano ang pamily, naiplano na rin ang kinabukasan. Hanggang Hunyo 30 na lamang ang serbisyo ni Cabral sa DOH sapagkat mauupo na ang bagong administrasyon. Mas makabubuti kung ma-retain si Cabral sa kanyang puwesto. Ang mga katulad ni Cabral ang kailangan ng gobyerno sapagkat mayrong nakahandang plano para sa kinabukasan ng mamamayan.
- Latest
- Trending