Garma tumatakas lang sa kasong pagpatay?
KAILANGANG patunayan ni dating PNP Col. Royina Garma na inaapi siya sa Pilipinas. Dapat maipakita niyang nanganganib ang buhay niya. Sa ganung paraan lang siya makakakuha ng U.S. political asylum.
Nahaharap si Garma sa murder investigation. Isa siya sa tatlong PNP colonels na nagkutsabahan umano para patayin si retired Army Gen. Wesley Barayuga. Isinuplong sila ni Lt. Col. Santie Mendoza.
Hulyo 2020 nang patayin si Barayuga. Board secretary siya sa Philippine Charity Sweepstakes Office. Hinaharang umano ni Barayuga ang mga anomalya ni Garma bilang PCSO chairman. Itinalaga ni Duterte na chairman si Garma dahil magkadikit sila noon sa Davao City.
Tumawag daw si Napolcom commissioner Col. Edilberto Leonardo, sumpa ni Mendoza. Dapat daw iligpit si Barayuga bilang high-value target sa drug war. Nagduda si Mendoza, na tila dati nang utusan ni Leonardo sa pagpatay ng suspects. Nagpresenta siyang gumawa ng sariling imbestigasyon.
‘Wag ka nang mag-abala sa sariling imbestigayon, sabi raw sa kanya ni Leonardo. May clearance na umano kay Garma ang pagpatay.
Naniwala si Mendoza kasi may tatlong pruweba ng clearance ni Garma. Una, nagbigay si Garma ng P300,000-reward sa ulo ni Barayuga. Ikalawa, binigyan niya ng PCSO staff car si Barayuga para madaling ma-ambush ito malapit sa opisina sa Mandaluyong City. Ikatlo, ang Mandaluyong police chief noon ay si Col. Hector Grijaldo, kaklase ni Garma sa PNP Academy.
Nagpahanap si Mendoza ng hitman kay vigilante Nelson Mariano. Umamin si Mariano na pumarte siya sa P300,000-pabuya.
Kung mag-U.S. asylum si Garma, lusot na siya sa kasong murder.
***
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest