Pulis na rin ang tingin sa NBI
TUNGHAYAN ang sinumpaang-salaysay ni Peter Ignacio, isang dating confidential agent ng National Bureau of Investigation (NBI). Ayon kay Ignacio na dating naka-assign siya sa Interpol at sumama kay supervising agent Dominador Villanueva III ng ma-assign ito sa Cavite District Office (CAVIDO) noong 2007.
Ayon kay Ignacio, kahit noong nasa Interpol pa sila si Villanueva ay sinasamahan na niyang mag-orbit sa mga “kotong” sa Pedro Gil, Manila at siya rin ang nasa likod nang malawakang koleksiyon nito ng lingguhang intelihensiya sa jueteng, tupada, saklaan at beerhouses sa Cavite. Ipinakita ni Ignacio bilang ebidensiya ang bank account niya sa BPI Savings Bank sa Ortigas sa Pasig City kung saan nagpatunay ang 12 pahina ng kanyang passbook ng mga pumapasok na pitsa para sa CAVIDO. Para hindi magisa ang pangalan niya, sinabi ni Ignacio na gumamit siya ng taga-Cavite para umaktong kolektor ng intelihensiya. Sila ay sina Orlando Novero, Christopher Pulido, Eson Tamio, Willie Torres at Milanio Ignacio.
Dahil nakonsiyensya sa ginagawa niya, tumiwalag si Ignacio ke Villanueva. Dahil dito, madalas makatanggap ng death threats si Ignacio kaya minabuting lumapit kay Cavite prosecutor Emmanuel Velasco para sa kaligtasan ng kanyang buhay.
Ang statement ni Ignacio at pati na sa mag-asawang Roderick Linao at asawang si Roselilly na nagsasabing pilit silang kinotongan ng CAVIDO ng P1 milyon noong Pebrero kapalit ng pag-atras ng kasong robbery kay Roderick ang ginawang ebidensiya ni Velasco sa kanyang sulat kay NBI director Nestor Mantaring para imbestigahan ang liderato ni Villanueva. Sa kanyang dalawang pahinang sulat na may petsang June 9, hiniling ni Velasco na arukin ni Mantaring ang ibinulgar ni Ignacio dahil nakasalalay dito ang imahe ng NBI. Natanggap na ni Mantaring ang sulat ni Velasco subalit walang katiyakan kung kikilos dito ang NBI.
Maliwanag na itong ibinulgar ni Ignacio ay patunay lang ng exposé ko sa pitak na ito na hindi public service ang lakad ng NBI sa ngayon kundi pagkakapitsaan. Mabilis ang NBI kapag may kapalit na pitsa subalit mabagal kung ang sugal-lupa ni alyas Namcy /Nancy sa Southern Police District (SPD) ang pag-uusapan. Si Namcy ay namamayagpag hindi lang sa mga sugal-lupa niya kundi maging ang pagtutulak ng droga, ayon sa mga kausap ko sa SPD. Hindi niri-raid ng NBI ang sugal-lupa ni Namcy, dahil abala sila sa koleksiyon sa peryahan sa Metro Manila.
Nitong nagdaang mga araw ba ay may accomplishment ang NBI laban sa kriminalidad? Sayang ang NBI. Parang pulis na ang pagtingin sa kanila ng taumbayan. Walong taon nag-aral ng abogasya ang mga ‘yan ha?
Kung talagang seryoso si president elect Noynoy Aquino na sugpuin ang corruption sa gobyerno, ang una niyang gawin ay isailalim sa lifestyle check ang mga ahente ng NBI at tiyak marami ang sasabit. Abangan!
- Latest
- Trending