Unang pagsubok
HINDI pa nailalahad ni President-elect Noynoy Aquino ang kanyang buong legislative agenda. Tama lang na pinag-aaralan muna niya ang sitwasyong mamanahin pagpatak ng tanghali ng June 30, 2010.
May mga magsasabing hindi ngayon ang panahon ng pag-aaral – dapat ay bago pa lang nangampanya ay alam na kung ano ang suliranin at kung papaano reremedyuhan. Pero hangga’t hindi mismo nalilipat ang renda ng kapangyarihan, hindi malalaman kung gaano pala kasama o kabuti ang sitwasyon na inirereklamo sa kampanya.
Kaya mahalaga ang transition period. Marangal ang desisyon na huwag muna makipagmeeting sa outgoing transition team habang hindi pa tapos ang proklamasyon. Subalit ngayong tapos na ito, double time na dapat ang transition committee lalo sa pag-audit ng lahat ng transaksyon na mapapag-iwanan sa kanilang kandungan. Kapag matapos ito ng maaga, mas maaga din mauumpisahan ang paghubog ni President-elect Aquino ng kanyang plataporma na nangangailangan ng lehislasyon.
Ang isa sa sensitibong usapin ay ang napag-iwanang Freedom of Information (FOI) Bill. Kabilang si President-elect Aquino sa mga sponsor ng FOI sa Senado. Saksi ang bansa sa pagkiyeme ng ating mga mambabatas sa pagpasa ng makasaysayang batas na ito. Ngayon pa lamang ay napakarami nang nananawagan na itulak ito ng bagong presidente bilang bahagi ng kanyang agenda.
Sa hindi sanay umunawa sa realidad ng pulitika, madaling umasa na ang makabuluhang lehislasyon tulad ng FOI ay hindi dapat nahihirapang pumasa. Ang pagpatay ng FOI sa paraan lamang ng pagkwestiyon ng quorum ay mapait na paalala na hindi laging tugma ang interes ng bansa sa interes ng mambabatas.
Ang pinakamagandang pagkakataon upang maipasa ang FOI ay kung itulak nga ito ni President-elect Aquino bilang bahagi ng kanyang unang request, ika nga, sa Kongreso. Anumang tigas ng pagtutol ng mga ayaw ipabukas ang sikreto ng pamahalaan sa publiko ay pihadong lalambot kung hingin na balato ni President-elect.
Dahil ginawa niyang plataporma ang good go-vernance, siya ang pinakamalaking pag-asa na, sa wakas, ang Pilipinas ay magkakaroon ng batas sa FOI. Ito ang magiging unang ma-laking pagsubok ni President-elect Noynoy Aquino.
- Latest
- Trending