Magandang mais / dalawang palaka
MAGANDA ang mais ng magsasaka. Taun-taon isinasali niya sa country fair ang samples ng kanyang ani, at parati siyang nananalo. Minsan inusisa siya ng reporter kung paano tinitiyak maganda parati ang mais. Gulat ang reporter sa sagot na binibigyan niya ng binhi ang mga kapit-bukid niya.
“Bakit mo sila binibigyan ng mamahalin binhing mais?” tanong ng reporter. “Hindi ba’t kinukumpetensiya ka nila sa ani taun-taon?
Tugon ng magsasaka: “Ikinakalat ng hangin sa iba-ibang bukid ang pollen ng pahinog na mais. Kung mahinang mais ang tanim ng mga kapit-bukid ko, hihina rin ang mais ko sa cross-pollination. Para umani ako ng magandang mais, tinutulungan ko sila umani rin ng magandang mais.”
Kabit-kabit tayo. Hindi huhusay ang ani mo kung hindi tumulong humusay ang ani ng iba. Kung nais mo’y katahimikan, tulungan ang kapitbahay makamit ang katahimikan. Kung nais mong umangat, sikaping iangat ang kapwa.
* * *
DUMAAN ang kawan ng palaka sa bukid, at dalawa sa kanila ay nahulog sa balon. Lumukso sila nang mataas, pero hindi sila makalabas dahil sa lalim ng balon. Sumigaw ang ibang palaka na wala na silang pag-asang makalabas pa, kaya huwag nang pahirapan ang sarili at hintayin na lang ang tiyak na kamatayan.
Nagpumilit makaalpas ng isang palaka. Lumukso paulit-ulit, ngunit hindi maabot ang taas ng balon. Sugatang lumagpak sa pagod at namatay.
Lalo nagsigawan ang ibang palaka na tama sila, kaya hintayin na lang ng natirang palaka ang kamatayan. Pero lumukso ito, umabot sa gilid ng balon, at lumukso muli. Gabi na nang sugatan siyang nakalabas. “Bakit hindi ka nakinig sa amin?” tanong ng mga palaka.
“Bingi ako,” aniya. “Akala ko ineengganyo ninyo ako magsumikap.”
Pakaingatan ang mga salita. Ang engganyo ay makakapalakas-loob sa mga nanlulumo. Ang pagsira ng loob ay maaring ikasawi nila.
- Latest
- Trending