EDITORYAL - Pagtuunan ng atensiyon ang problema sa DepEd
ANG Department of Education (DepEd) ay isa sa mga tanggapan na dapat pagtuunan ng susunod na administrasyon. Maraming problema ang DepEd at nararapat nang matuldukan. Isa sa mga problema ng departamento ay kakulangan sa budget. Dahil dito, nasasakripisyo ang edukasyon na dapat ay kamtin ng mga kabataan. Maraming bata ang hindi makapag- aral dahil sa kakulangan ng atensiyon na ipinagkakaloob ng gobyerno sa DepEd.
Ang ibang bansa, laging prayoridad nila ang tungkol sa edukasyon ng mga kabataan. Nagbubuhos sila ng budget. Sinisiguro nila ang para sa edukasyon at hindi na bale ang iba pa. Dito sa Pilipinas, mas malaki pa ang budget ng Department of National Defense. Mas sinisiguro ang pambili ng bala, baril at tangke kaysa maglaan ng perang pampagawa ng eskuwelahan, libro, at paghire sa mga mahuhusay na guro. Kung hindi magbabago ang kaisipan ng mga lider ng bansa ukol dito, kawawa ang mga susunod na henerasyon sapagkat dadami ang bobo.
Ngayong school year 2010-11 ay inaasahang dadagsa ang 23 milyong mag-aaral sa pampublikong paaralan. Mas mataas ng dalawang milyon ang mga mag-aaral ngayon kaysa noong 2009. Kaya naman maraming school officials na ang kinakabahan sa pagbubukas ng klase sa Hunyo 15. Paano’y hindi nila malaman kung paano magkakasya ang mga estudyante sa mga silid-aralan. Kahit na dalawang shift ang klase, kulang na kulang pa rin ang mga classroom. Umano’y mas maraming nag-enroll ngayon sa public school dahil na rin sa kamahalan ng tuition fees sa mga pribadong eskuwelahan.
Sa pag-upo ni Benigno “Noynoy” Aquino III sa Hulyo 1, matunog na ang magiging DepEd secretary ay si Florencio Abad, campaign manager ng Liberal Party. Si Abad ay nagsilbing DepEd secretary sa Arroyo administration pero nagbitiw kasama ng iba pang Cabinet secretaries.
Kung si Abad ang DepEd secretary, panahon na para maipagpatuloy ang nasimulan niya sa departamento. Tuldukan niya ang mga problemang namamayagpag sa DepEd. Hilingin niya na dagdagan ang budget ng departamento. Kung may malaking budget ang DepEd, makapagpapagawa nang maraming school buildings, magkakaroon ng mga libro at makapagha-hire na ng mga mahuhusay na guro. Ito ang paraan para maraming makapag-aral kahit sa liblib na lugar.
- Latest
- Trending















