^

PSN Opinyon

Mga bulitas sa mukha

- Tony Calvento -

May sa demonyo ang baril at may kasabihan ang walang balang baril ay nakamamatay.

 Nakakaawa ang sinapit ng anak ni Gerardo Aurellana, 42 taong gulang ng Payatas. Nagtatrabaho si Gerardo o “Gerry” sa Alhasa, Saudi Arabia bilang ‘operator ng heavy equipment. Napauwi siya ng hindi oras sa Pilipinas ng makatanggap siya ng masamang balita tungkol sa anak na si Eric.

Kasama niya ang kanyang kapatid na si Emelita ng magsadya sa amin. Hinihingi nila ang pagkakabaril kay Eric, 22 taong gulang. Isang gwardya ng El Grande Agency na naka-assign bilang ‘village guard’ sa Don Jose Heights Subd, Commonwealth.

Tatlong buwan ng gwardya si Eric dun. Mula 6:00 ng umaga hanggang 6:00 ng gabi ang duty niya dito. Kasama niyang magbantay ang Assistant Officer in Charge (OIC) na si Mark Kenneth Agliam o “Mark” na ayon sa kanya’y madalas dumuty ng lasing.

Mahilig daw umanong manutok at maglaro ng shot gun itong si Mark tuwing makakainom ng alak. Isa na sa nakaranas matutukan ng baril ay ang kaibigan nilang si Noel, drayber ng Ideal Subdivision (katabing subdivision).

Ika-13 ng Abril, bandang 11:30 ng umaga sakay ng motor, nag-iikot sa village si Eric. Tumigil siya sa Espejo St. upang makiinom ng tubig. Nakasalubong niya si Mark at Noel na lasing na lasing. Kinuha niya ang hawak na ‘shotgun’ na hiniram sa kanya ni Mark.

Bago pa ibigay ni Mark ang baril, pinaglaruan pa umano niya ito. Tinanggal ni Mark ang tatlong bala ng shotgun. Naiwan ang isang bala. Bigla nitong tinutukan si Noel. Agad itong inawat ni Eric. “Sir, huwag!”. Sagot naman ni Mark, “Joke lang!”.

Binalik ni Mark ang baril at bala kay Eric. Ini-‘load’ ulit ni Eric ang magazine. Wala pang ilang minuto, kinuha na naman sa kanya ni Mark ang baril. Si Eric naman ang tinutukan. Pabiro lang naman ito kaya’t umupo na lang siya sa isang tabi.

“Sanay na ko sa mga birong pagtutok niya kaya’t hindi ko nalang siya pinansin!” kwento ni Eric kay Emelita.

Habang nagpapahinga si Eric at nagbabasa ng ‘text’. Muling tinutok ni Mark ang baril sa kanya. Dinedma ulit ito ni Eric hanggang naramdaman nalang niyang nahirapan siyang huminga. Dumilim rin ang kanyang paningin at hindi na nakakita. Dahan dahan siyang bumagsak sa semento. Hinawakan niya ang kanyang mukha at naramdaman niya ang patuloy na pagbulwak ng dugo. Grabe ang sakit na kanyang nadama.

“Napakabilis ng pangyayari halos wala siyang narinig na putok. Naramdaman nalang niyang tapyas na ang kanyang ilong,” sabi ni Emelita.

Isang testigong si Fely Mariano ang nakakita ng buong pangyayari. Tinulungan niya si Eric at dinala sa Far Eastern University (FEU) Hospital.

Butas ang ilong ni Eric. Ayon sa Medical Report, Gunshot wounds by a shotgun: Point of entry, right cheek face. Point of exit nasal area. Positive for gunpowder burns: smudges.

Seryoso ang kundisyon ni Eric dahil sa mga tama ng bulitas galing sa shot gun. Kinailangan nilang butasin ang kanyang lalamunan ni Eric para makahinga. May naiwan isang bulitas sa likod ng kaliwang mata nito. Hindi ito pwedeng tanggalin dahil maselan ang operasyon na kakailanganin at may panganib.

 Agad namang sumuko si Kenneth kay Col. Tabangkay, isa sa mga opisyales ng El Grande Agency. Dinala siya sa Presinto 6 nung hapon ding iyon at ikinulong.

Humingi ng tulong si Emelita sa agency. Nakausap niya dun si Mr. Ely Abot. ‘Initial deposit’ lang sa ospital na nagkakahalagang Php 7,000 ang naitulong ng ahensya.

“Wala daw maitutulong sa amin ang agency dahil off duty daw si Eric ng mangyari yun. Pinapalabas pa ng agency na pamangkin ko ang nakainom. Lugi pa nga daw sila dahil 3 buwan pa lang si Eric sa kanila, nagkaaberya na agad. Tama ba naman yun! Wasak na nga ang mukha ng pamangkin ko, butas ang ilong…siya pa ang pinapalabas na mali ” ngitngit ni Emelita.

Ika-15 ng Abril, pumunta si Emelita sa Presinto 6 ng Batasan Road upang ipakita ang medico legal report. Sinampahan ng kasong Frustrated Murder si Kenneth.

Bukod sa problema nila sa hindi pagtulong ng agency, kinababahala nila ang nakarating sa kanilng balita na na downgrade daw ang frustrated murder na sinamapa nila sa frustrated homicide.

Itinampok namin ang istorya ni Eric sa aming programa sa radyo Hustisya Para Sa Lahat sa DWIZ 882 Khz (tuwing 3:00 ng hapon).

Tinawagan namin ang imbestigador na si Sgt. Arvin Oballo ng Presinto 6 upang linawin kung ano talagang kaso ang tinanggap ng Prosecutor’s Office.

Sinabi naman ni Sgt. Oballo na frustrated murder ang sinampa.

Upang matulungan si Eric na magamot ang nawasak na mukha, binigyan namin sila ng referral sa tanggapan ni Chairman Sergio Valencia ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), at sa tulong ni Ms. Betty Richardson nangako naman sila na aasistihan si Eric matapos na maisumite nila ang lahat ng medical abstract at mga papeles na kaugnay sa kalagayan niya.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, ikaw Mark Kenneth OIC ka man din nila dapat maging modelo ka ng ibang mga kasamahan mong gwardiya. Sa panig naman ng agency obligasyon niyong tulungan ang inyong gwardiya. Ang masakit, taliwas sa sinasabi ni Eric at ng kanyang tiyahin nangyari ang insidente habang siya ay on-duty kaya ito’y lumalabas na ‘work related’ ang sinabi niyo naman na si Mark ang on duty at si Eric ang hindi. Kahit saan kayo lumagay, ang anggulong work related ay papasok pa rin dahil kahit si Mark ang on-duty at namaril siya hindi ba’t ginawa niya rin ito nung nasa duty siya? Nabanggit namin na itong OIC ay mahilig uminom, walang lugar para sa isang taong may responsiblidad na magpanatili ng kapayapaan sa isang subdibisyon na parating uminom ng alak dapat masusi ninyong binabantayan ang inyong mga tauhan pati na rin ang kanilang mga bisyo. Ipagsasama mo ang alak, baril at abusadong tao ang resultang makukuha mo ay indulto.

(KINALAP NILA MONIQUE CRISTOBAL AT DEN VIANA)

Sa gustong dumulog ang aming mga numero, 09213263166 o sa 0919897285. Ang landline 6387285 at 24/7 hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City. Bukas din kami tuwing SABADO mula 8:30am- 12:00pm.

* * *

Email address: [email protected]

BARIL

EL GRANDE AGENCY

EMELITA

ERIC

MARK

NAMAN

NIYA

SIYA

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with