^

PSN Opinyon

'Hospital(ity) ?'

- Tony Calvento -

Ang pagpapagawa at pagpapatakbo ng isang ospital maliban sa nakakatulong sa kapwa ay isang income genera­ting bussines. Milyon ang ipinupuhunan dito gaya ng ibang negosyo na may panganib na malugi ito.

Namroblema si Girlie Vanta ng Camiling Tarlac dahil ang kanyang anim na buwang anak na si Abegail ay hospital imprisoned(?) o ayaw palabasin ng ospital.

Isinugod siya ni Girlie matapos walang magawa ang Salvador General Hospital, isang ‘public hospital’ dahil sa kakulangan sa gamit.

Ang bata ay ‘in-serious condition’ dahil hindi na ito gumagalaw, nangingitim na at kapag hindi sila gumawa ng paraan siguradong mamatay ito.

Dinala ito sa Señor Sto. Niño Hospital. Na-‘diagnosed’ siya na merong ‘meningitis’, isang karamdaman na apektado ang ‘nervous system’. Pagdating dun diretso sa Intensive Care Unit (ICU) ang bata.

Kinailangan siyang salinan ng dugo. Binigyan din ng mga ‘antibiotics’ na nagkakahalagang Php2,218 isa.

Hindi malaman ni Girlie kung saan hahagilap ng pera. Hindi naman sapat ang sweldo ng kanyang mister na si Abelio Apostol, isang karpintero. Siya naman sa kanyang edad na 34 ay kailangan niyang alagaan ang kanyang pitong mga anak.

Lumobo ang gastusin sa ospital dahil patuloy ang pagbigay ng antibiotics para mapagaling ang musmos. Nag-isip sila na gumawa ng paraan.

“Wala kami mautangan may nakapagsabi sa’min na lumapit sa PCSO kaya nagpunta kami dun. Tinulungan naman kami at binigyan ng Php10,000,” wika ni Girlie.

Rumesponde at gumanda ang kalagayan ni Abegail dahil sa mamahaling gamot.

Ika-18 ng Marso,  maari na sanang ilabas si Abegail subalit nagmatigas ang ospital. Kailangan nilang bayaran ang lahat ng kanilang bill na umalagwa sa Php113,000.

Nakiusap sila pero ayaw ng ospital. “Inisip namin na kapag namalagi ang anak namin dun lalong lalaki ang aming bayarin. Sinabi namin sa kanila na willing kaming pumirma ng promissory note. Matigas ang ospital. Paano naman namin magagawan ng paraan yan kung nakabantay kami sa aming anak at hindi makapagtrabaho? Baka malaki na siya nakakulong pa din siya dun,” litanya ni Girlie.

Isang masugid na tagasubaybay sa aming pitak sa PSNgayon itong si Girlie. Naalala niya na may mga istorya kaming itinampok na katulad ng kanilang problema na kahit papaano nakatulong kami. Buong tapang na nag-iisang lumuwas ng Maynila si Girlie para hanapin ang aming tanggapan.

Nakausap siya ng aming ‘staff’ na si Aicel Boncay at tuluy-tuloy niyang ikinuwento kasama ang luha, uhog at pawis ang kanilang sitwasyon.

Dalawang buwan sila sa ospital. Dahil sa interest ang dating P113,000 ay naging gahiganteng Php 207,000 ngayon.

Sa aming pananaw malinaw na may nilalabag na batas ang Señor Sto. Niño sa kanilang patuloy na pag-detain sa bata dahil sa utang. Patuloy din ang pagpatong ng bayarin ng pamilya nila Girlie kaya itinampok namin ang kaso ni Girlie sa aming programa sa radyo Hustisya Para Sa Lahat sa DWIZ 882 Khz (tuwing 3:00 ng hapon).

Ibinigay namin ang kanyang kaso kay Atty. Alice Vidal, presidente ng UE Law Alumni at Director ng Commission Bar Discipline ng Integrated Bar of the Philippines (IBP). Mabilis naman ang kanyang naging kilos.

Sinulatan ang Hospital Director Dra. Bacnis ng Señor Sto. Niño Hospital at pinaalala na hindi legal ang kanilang pag-detain.

“Tinawagan ko muna sila. Dalawang beses ko din pina-LBC ang sulat para idemand na palabasin nila ang bata sa ospital,” mariing sabi ni Atty Vidal.

Kinabukasan ng matanggap nila ang sulat galing kay Atty. Alice Vidal at sa Hustisya Para sa Lahat pinalabas na si Abegail.

Alinsunod sa batas na inakda ni Senator Pia Cayetano ang Hospital Detention Law o RA 9349. Nakasaad dito na hindi maaring pigilan sa paglabas ang mga pasyenteng kulang ang pambayad subalit tinanggap sa ospital dahil mga ‘emergency o life saving cases.’

Nung May 26 bumalik si Girlie sa aming tanggapan upang magpasalamat.

“Lubos kaming nagpapasalamat dahil nauwi na namin si Abegail matapos ang ilang buwan na namalagi siya sa ospital at kay Atty. Vidal para sa kanyang legal assistance,” pahayag ni Girlie.

Naiintindihan namin ang may ari ng ospital, na itinayo nila ito upang kumita din naman. Sino ba ang gustong malugi? Ang katwiran na meron ang mga ‘government hospitals’ na may mga ‘charity ward’ ay totoo nga. Ang pinag uusapan dito ay ang mga ‘case-to-case basis’ na buhay ng isang tao ang kailangang masagip.

Hindi ibig sabihin na dahil nakalabas na ang anak ni Girlie, wala na siyang obligasyon sa ospital. Maari siyang sampahan ng kasong ‘civil’ o sum of money o R.A. 9243 para makolekta ang kanilang pagkakautang.

Ito ang tama ang proseso ayon sa batas, Hindi yung parang ipinoposas ninyo ang mga pasyenteng may bayarin pa, hindi pinapayagang lumabas at nakalagay sa isang kwarto na kailangang bayaran pa nila sa bawat araw na magdaan.

(KINALAP NI AICEL BONCAY)          

Sa mga gustong dumulog ang aming mga numero, 09213263166 o sa 09198972854 o tumawag 6387285. Maari din kayo magpunta sa aming tanggapan 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City.

Bukas ang aming tanggapan tuwing SABADO 8:30am- 12:00pm. Ang aming 24/7 hotline ay 7104038.

* * *

Email address: [email protected]

ABEGAIL

AMING

DAHIL

GIRLIE

LSQUO

OSPITAL

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with