Mahalin ang tatay at nanay
NARINIG na ba ninyo ang National Mother’s Day and Father’s Day Foundation of the Philippines? Sa tuwing Mother’s Day at Father’s Day ay nagbibigay sila ng parangal sa mga nanay at tatay na malaki ang naitulong sa kanilang pamilya, sa komunidad at sa bayan.
Mabait at may puso ang mga pinuno nitong mapagkawanggawang organisasyon: si Secretary Angelo T. Reyes ang Honorary Chairperson, si Mr. Wilfredo M. Talag ang Presidente, si Mrs. Leticia M. Talag ang Finance Chairperson, at ang sikat na si Ms. Baby O’Brien ang pinuno ng Working Committee.
Sa nakaraang mga awarding, nagtalumpati ang yumaong Supreme Court Justice Emilio Gancayco, kung saan napaiyak ang karamihan. Naikuwento ni Justice Gancayco na dalawang taon pa lang siya nang nilisan sila ng kanyang tatay. Hindi niya alam ang dahilan. Namulat na lang siya sa pag-aaruga at pagsakripisyo ng kanyang ina, na itinaguyod siyang mapag-aral.
Isang araw, makalipas ang maraming taon, biglang bumalik ang kanyang ama. Walang paliwanag, walang usapan, walang sisihan. Bukas loob na tinanggap ng nanay niya at ng pamilya ang nawawalang ama.
Napaiyak si Justice Gancayco dahil malaking hirap ang dinanas ng kanyang ina para maabot niya ngayon ang mataas na posisyon sa gobyerno.
Makalipas ang 30 taon, may sariling pamilya na si Justice Gancayco, may 4 na lalaki at isang babaing anak. Mahal na mahal niya ang nag-iisang dalaga. Binigay niya ang lahat ng gusto nito. Magandang eskuwelahan, magandang gamit at sapatos. At noong nag-debut ang dalaga niya, nilabas niya ang kanyang naipon sa baul para sa party ng anak.
Isang araw, biglang sumulat ang dalaga niya sa kanya: “Papa, maraming maraming salamat sa lahat ng sakripisyo mo sa akin. Alam kong malaki ang paghihirap mo para mabigay sa akin ang magandang buhay. Ngunit po… isa lang ang hiling ko sa inyo.”
“Papa, lagi kang wala sa bahay. Ang gusto ko sana ay makasama ka para maramdaman ko ang iyong pagkalinga. Gusto ko ikaw na ang aking barkada para kung may problema ako, sa iyo na ako hihingi ng payo at hindi na sa iba.”
Nagsisi at nalungkot si Justice Gancayco sa sulat ng da-laga. Mula noon, lagi na niyang kasama ang kaniyang anak. Ginawa niyang sekretarya sa Supreme Court.
Sabi pa ni Justice, lahat tayo ay may pagmamahal sa ating magulang. Tumpak iyan. Ngunit iilan ba sa atin ang nagsabi na ng “I love you Tatay” o “I love you Nanay” kahit minsan sa buong buhay nila?
Habang may oras pa, gawin na natin ang ating magagawa para sa ating mga magulang. Makipagbati na kung may away. Magpatawad na kung may kasalanan. Magbago na habang may oras pa. Mahalin natin ang ating tatay at nanay.
- Latest
- Trending