'Sariling interes lamang.'
HINDI namimili nang mga taong tutulungan ang BITAG. Gaano man kalaki, kaliit, kalubha o kababaw ang sumbong na inilalapit sa amin, tinatrabaho ng grupo sa abot ng aming makakaya.
Subalit may ilan yatang hindi nakaiintindi ng aming trabaho. May ilan kasing lumalapit na gustong ipagawa sa amin ay lagpas na sa limitasyon ng aming grupo.
Katulad na lamang ng isang ginang na lumapit sa BITAG Action Center kahapon, araw ng aming serbisyo publiko.
Ang kaniyang reklamo, hinggil sa prangkisa. Napanood niya sa BITAG nitong nakaraang linggo ang isang kaso ng OFW na lumapit sa amin dahil nabiktima ng isang fixer sa LTFRB-Cavite.
Subalit iba ang kaniyang kaso, sa umpisa pa lamang alam niyang iligal ang kaniyang pinasok. Dahil ang kaniyang binabiyahe ay private van na green plate kung saan walang prangkisa upang bumiyahe.
Nagbayad siya ng halagang sixty thousand pesos bilang membership fee upang makapila sa isang sikat na Mall sa Nort Avenue, biyaheng Marilao-SM at SM-Marilao.
Nakabiyahe siya ng isang buwan subalit sa dalas ng huli ng Land Transportation Office at mga patrol pulis, nagdesisyon siyang tumigil na ibiyahe ang kanyang van.
Ang dahilan ng kaniyang paglapit sa BITAG, gusto niyang bawiin ang sixty thousand pesos na ibinayad niya sa asosasyong pumipila sa nasabing mall subalit wala namang talagang prangkisa upang bumiyahe.
Ang siste, gusto ng ginang na hilahin ang isang imbestigador ng BITAG kagabi upang kunin ang kaniyang animnapung libong piso.
Lumalabas, gustong gamitin ang BITAG para mabawi ang kaniyang pera kahit na tinangkilik niya umpisa pa lamang ang iligal na gawain at nakinabang ng isang buwan.
Paglilinaw ng BITAG, UNA, hindi kami mga kolektor ng mga perang ipinapakuha ninuman.
IKALAWA, hindi nagpapagamit ang aming grupo sa pansariling interes lamang.
IKATLO, kung sa umpisa pa lamang ay alam mo ng iligal, hindi na dapat pinasukan. At kung lalapit ka sa BITAG, kwidaw ka, parte ka na ng iligal na gawain na iyong tinatangkilik.
Sa huli, kakastiguhin din namin ang iyong intensiyon at maitim na balakin sa tangkang paggamit sa aming grupo para sa pansariling interes lamang.
- Latest
- Trending