'Bagong Salta'
SYANO o promdi, iyan ang ilan sa karaniwang bansag sa mga mabilis mautong probinsyanong bagong salta sa maynila. Isa na rito ang Bisayang bata na ngayo’y kabilang na sa nilamon ng mga gusali at milyong tao sa aspaltadong gubat.
Ang isang kasambahay na si Arcile Flores, 30 taong gulang ay nakipag-ugnayan sa aming tanggapan upang humingi ng tulong na mahanap ang kanyang nawawalang kapatid na menor-de-edad.
Ang batang binabanggit ni Arcile o “Ars” ay ang ‘step-brother’ na si Arnel, 12 taong gulang taga Tablas, Romblon.
Naengganyo si Nel na lumuwas ng Maynila ni Coksiong Ang, may-ari ng dalawang ‘ferry boat’ at katiwala ang kanilang pamilya sa lupain nito sa Tablas. Nakita ni Coksiong o “Cok” ang sipag ni Nel sa pagtulong sa kanyang amang si Leopoldo sa pagsasaka kaya’t naisipan niyang gantimpalaan ito. Alam niyang dala ng kahirapan ang batang ito’y hindi pa nakakatuntong sa Maynila o nakakalabas ng kanilang pamilya.
Tinanong siya ni Cok kung gusto niyang pumunta sa Maynila. Sino naman ang tatanggi sa alok na iyan. Kaya’t mabilis nagpaalam si Nel sa kanyang ina.
Nung una’y hindi pinayagan si Nel ng inang si Arcena subalit naging mapilit ang bata sa pagkasabik na makita ang lungsod.
Ika-14 ng Abril 2010, nagpadala ng ‘boy’ si Cok na susundo sa bata.“Nagtiwala naman si Nanay kay Cok pinangako niya kasing sagot niya ang kapatid namin,” kwento ni Ars.
Makalipas ang dalawang araw, tinawagan ni Ars si Cok upang kamustahin ang unang araw ng kapatid sa Maynila.
Nakausap niya ang sekretarya ni Cok, nagulat nalang siya ng sabihin nitong, “Ars, si Nel kasi nawawala kahapon pa...hinahanap na ngayon ni Boss sa Quiapo”. Natulala si Ars sa narinig. Sinubukan niyang tawagan sa cell phone si Cok subalit hindi niya ito ma-contact kaya’t dumiretso na siya sa Quiapo.
Pinagtanung-tanong ni Ars si Nel sa mga tindahan sa Paterno St., kung saan huling nakita si Nel. Bitbit ang larawan ng kapatid, halos lahat ng taong nandun tinanong niya subalit iisa lang ang kanilang sagot, walang nakakita kay Nel.
Ayon kay Ars ilang ulit siyang humingi ng tulong kay Cok subalit ayaw umano siyang kausapin nito kaya’t ang amo niyang Doktor na ang nakipag-usap.
Nangako naman itong aaksyon at magkikipagtulungan sa paghanap kay Nel.
Hindi naman nakampante si Ars sa binitawang salita nitong Chinese.
Nag-punta sila sa Manila Police District, UN Ave para magpa-’blotter’. Pinuntahan rin nila ang mga kalapit barangay ng Paterno, Quiapo upang ipamigay ang larawan ni Nel. Nagkipag-ugnayan rin sila sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) sakaling mang may makadampot kay Nel at i-turn over sa kanila ay agad silang matawagan.
Dalawang linggo ng pinaghahanap nila si Ars ang kapatid na umano’y naligaw. Sinisisi ng pamilya Flores si Cok. Hindi kasi nito nabantayan ng maayos ang bata gayung siya ang may responsibilidad dito.
Itinampok namin sa aming programa sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat’ ng DWIZ 882KHZ (tuwing 3:00 ng hapon) ang istorya ni Ars.
Upang madinig ang paliwanag ni Cok tinawagan namin siya sa radyo at phinon-patch. Litanya ni Cok, may kalikutan si Nel dahil nga hindi ito sana’y sa Maynila at galing probinsya lahat ng makita niyang bago ay kanyang inuusisa.
Nung araw ding makatuntong sa Maynila si Nel ay sinama siya agad ni Cok sa mga lakad nito. Una silang pumunta sa Banko, salasay ni Cok habang binabantayan umano ni Nel ang kanyang sasakyan ay napagkamalan itong magnanakaw ng guwardiya. Naulit pa ito ng bumili sila ng ‘spare parts’ ng sasakyan sa Caloocan at Recto.
“Pinagsabihan ko si Nel na maging alisto siya sa daan dahil maraming manloloko sa Maynila. Sinabi ko ring magpapagupit kami dahil sa haba na ng buhok niya baka mapagkamalan siyang snatcher,” sabi ni Cok.
Kinagabihan dumiretso sa Quiapo si Cok kasama si Nel. Pumunta sila sa isang ‘restaurant’ pinag-antay ni Cok si Nel sa gutter sa may hagdan at binilinang mag-antay sandali at may tao lang siyang kakausapin.
Ilang oras matapos makipag-usap ni Cok, binalikan niya si Nel subalit wala na ito sa labas. Hinanap ni Cok si Nel sa paligid ng restaurant. Umabot umano siya ng isang oras sa paghahanap subalit wala si Nel. Binilinan ni Cok ang tao sa restaurant na kapag bumalik si Nel ay itawag agad sa kanya.
Nung gabi ring yun, bumalik muli si Cok kasama ang dalawa niyang tauhan upang hanapin ang bata subalit wala pa rin si Nel. Kinabukasan, sinuyod niya ulit at iba pa niyang tauhan ang Quiapo subalit walang Nel na natagpuan.
Umuwi rin sa Romblon si Cok para personal na sabihin sa magulang ni Nel ang nangyari. Humingi rin siya ng litrato ng bata upang maipamigay.
Depensa niya hindi naman siya sumusuko na mahanap si Nel. Nakipag-ugnayan na rin siya sa DSWD, pulis at mga barangay. Pati kaibigan niyang manghuhula ay pinagtanungan niya. Sinabi umano nitong baka nasa tulay si Nel subalit wala naman ito dun ng kanyang puntahan.
Hindi matanggap ni Ars ang mga paliwanag sa kanila.
“Alam mo namang first time ni Nel sa Maynila, ni hindi siya sanay magsalita ng tagalong tapus iiwan mo lang,” giit ni Ars.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, hindi maliwanag sa amin ang pakay nitong si Cok kung bakit nagdala siya ng isang dose anyos sa Maynila? Nagmamagandang loob? Nakapagtataka rin kung bakit pati ang pagiging supot ng batang ito ay kanyang pinakikialaman. Gusto lang raw niyang ipatuli ang bata. Maliwanag sa kwento ng magkabilang panig na isinama ni Cok itong si Nel halos sa lahat ng kanyang lakad sa Maynila nung araw na yun. Hindi para magpasyal kundi para may kasama siya sa mga kailangang puntahan. Base sa kwento ni Cok iniiwan nito si Nel sa labas habang nakikipag-usap sa loob. Dinala mo ba siya para magbantay ng iyong kotse para hindi ito magasgasan? O manakawan ng ‘side mirror’ na usung-uso sa Maynila? Ngayon na nawala si Nel at hindi malaman kung saan nagpunta ito ang lakas ng loob mong sabihin na siya ang dapat sisihin at hindi ikaw. Bagahe mo, sagutin mo! Binitbit mo siya dito responsibilidad mong siguruhin ang kanyang kaligtasan. Wala ka ng dapat ituro pang iba.
Kung susuriin natin ang insidenteng ito ikaw lang ang nakakaalam kung paano nawala ang bata. Nawala ba talaga ito? Bilang tulong, tutulungan namin si Ars na magsampa ng ‘petition for habeas corpus’ sa Korte para ilitaw si Nel o R.A 9208 o Anti Human Trafficking Law dahil malay ba namin kung saan napunta ang bata. Ibinigay namin ang lahat ng mga papeles ukol sa insidenteng ito kay Atty. Alice Vidal, presidente ng UE Law Alumni at officer ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) upang siya na ang gumawa ng kaukulang aksyon.
(KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)
Kami rin naman ay nanawagan kung sino ang may impormasyon kung nasaan si Nel ay maaring ipagbigay alam kay Monique Cristobal sa aming sa numero 6387285 o magtext 09213263166 o 09198972854. Maari din kayong magpunta sa 5th floor Citystate Center Bldg. Shaw Blvd. Pasig City.
- Latest
- Trending