Istrikto sa batas, ngayon lang?
NAG-ANUNSIYO ang MMDA na huhulihin na nila ang mga sasakyang lumalabag sa “anti-smoke belching law”, o mga sasakyan na bumubuga ng sobra-sobrang usok. Kadalasan, mga sasakyang diesel ang gatong ang malakas bumuga ng itim na usok. Napakaraming pampublikong sasakyan na tila mga pusit at pugita sa kalye sa tindi ng itim na usok na nanggagaling sa kanila! Nakakasama ito sa kalusugan ng tao, pati na sa kalikasan. Kaya siguro napaka-init na ng mga araw dahil binago na ang klima ng bansa. Kaya ngayon, huhulihin na rin sila kahit walang smoke emission test na gagawin.
Di ko maintindihan kung bakit kailangan pang ianunsiyo ng isang ahensiya ng gobyerno na huhulihin na nila ang mga lumalabag sa isang partikular na batas. Sa kasong ito, mga lumalabag sa smoke belching law. Kung dati nang batas iyan, bakit kailangan pang magpahayag na ipapatupad na nila? Ibig bang sabihin, pinalalampas na lang ng MMDA noon? Kung ganun, hindi bawal noon, kahit may batas na, pero ibang usapan na ngayon! Parang sinabi na rin ng PNP na magmula ngayon ay huhulihin na nila ang mga magnanakaw at mamamatay-tao, na bawal naman talaga.
Pero ganun din nga ang PNP, kapag nagpapahayag na huhulihin na nila ang mga di otorisadong sasakyan na may mga sirena at pailaw. Bawal naman talaga iyan noong panahon pa ni President Marcos! Bakit kailangan pang ianunsiyo? Napakaraming batas na tila hindi pinatutupad ng mga otoridad, at kapag naisipan nang patuparin ay tatawag pa ng presscon para ipahayag ang pagiging strikto sa nasabing batas. Jaywalking, yellow lane, mga kalyeng bawal ang tricycle, bawal ang ingay tulad ng sing-along kapag hatinggabi na, bawal magtapon ng basura sa ilog, para magbigay halimbawa lang. Kaya lumalabas na wala namang ngipin ang karamihan ng batas, at kapag sinusuotan na lang ng pustiso ay saka na lang sinusunod.
Ang batas ay batas, beinte-kwatro oras, pitong araw sa isang linggo. Hindi na dapat pinapahayag na magmula ngayon ay magiging istrikto na sila ukol sa isang partikular na batas. Kaya ba maraming isyu ng katiwalian at korapsyon ang administrasyong Arroyo, dahil may mga panahon na walang batas? Baka nga!
- Latest
- Trending