Kalutasan sa global crisis issue
NAPAG-USAPAN namin ng barbero kong si Mang Gustin ang kahirapan sa ekonomiya at ang dami ng taong nagugutom. Aniya, habang naghihintay tayo ng tamang leader na makalulutas sa problema, matuto muna tayong magsinop. Mahirap man o mayaman aniya ay dapat sundin ito. Sabagay, tama si Gustin. Nabasa ko sa isang news feature ang pormula ng National Nutrition Council para malampasan ang ganyang scenario.
1. Pasusuhin ang mga sanggol ng gatas ng ina lamang. Ang breastmilk ay masustansiya, ligtas, at laging available. Pinakasimpleng solusyon dahil libre.
2.Huwag magtira ng kanin sa plato. Ayon sa pag-aaral ng Food and Nutrition Research Institute, may naaaksayang 14 gramo ng bigas araw-araw. Kapag pinagsama-sama, tinatayang 1.6 milyong tonelada ang nasasayang bawa’t taon.
3. Magtanim ng mga prutas at gulay at mag-alaga ng manok, kambing, baboy, at isda sa inyong bakuran para laging may mapagkukunan ng pagkaing masustansiya.
4. Planuhin ang pagluluto ng masustansiyang pagkain. Hindi kailangang magastos. Maging malikhain at praktikal sa pagplano at paghain ng pagkain sa pamilya. Ang one-dish meal tulad ng ginisang munggo na may dilis at halu-halong gulay ay mura ngunit masustansiya.
5. Gumamit ng brown sugar sa halip na refined white sugar. Bukod sa ito’y mura, mas masustansiya ang brown sugar kaysa sa refined white sugar.
6. Maaaring pamalit ang mais, cassava, camote, ibang rootcrops at saging na saba sa bigas. Ang mga ito ay kasingsustansiya din ng bigas.
Magkaroon ng healthy lifestyle para makaiwas sa mga sakit sa pamamagitan ng balanseng pagkain, pagkakaroon ng regular na ehersisyo. Kumain ng mas maraming prutas, gulay at iba pang pagkain na mayaman sa fiber. Iwasan ang mga pagkaing matataba o mamantika, matatamis at maalat.
Kaso nga lang, sey ni Gustin, medyo mahirap daw magsinop kung walang sisinupin.
He-he-he!
- Latest
- Trending