Abalang-abala ang LTO
ANG Land Transportation Office (LTO) ay abalang-abala ngayon. Mabuti iyan. Nangangahulugan ito na walang humpay ang pagpapanagot sa mga lumalabag sa batas-trapiko. Ang pinakabago sa serye ng mga paglabag ay isang viral video na nagpapakita ng isang binata na nagmamaneho ng Porsche sports car, nakababa ang bubong sa kahabaan ng EDSA. Siyempre, kailangan niyang i-post ito sa internet dahil isa rin siyang content creator/vlogger bukod sa pagiging matagumay na negsoyante.
Natural, nakita ng LTO ang video, kinilala ang tao, sinuspinde ang kanyang lisensya ng siyamnapung araw, at naglabas ng show cause order (SCO) para magpaliwanag kung bakit hindi siya tuluyang tanggalan ng lisensya. At gaya ng lahat ng nagiging viral sa internet, humingi ng tawad ang drayber ng Porsche. Ito ang sinabi niya, “Let me be real, the video that sparked this? It was me recording a quick selfie inside a Porsche. Not to show off, but to lock in a moment I never thought I would reach this early. That was not just a car; it was a milestone.”
Ang tagumpay ay hindi isang masamang bagay. Lagi kong sinisikap na ibigay ang anumang kaalaman na nakuha ko sa mga nakaraang taon sa nakababatang henerasyon upang matulungan silang magtagumpay. At kapag ang isang tao ay nakamit ang tagumpay, gaano man ito kaliit o kalaki, hindi masama na gantimpalaan ang sarili. Ngunit ibang usapan ang paglabag sa batas habang ipinapakita sa mundo ang iyong narating. At sa panahong ito ng social media, ang pag-abot ng “resibo” ay mabilis.
Ang sabi pa niya, ang pagkuha ng video habang nagmamaneho ng Porsche na nakababa ang bubong habang nasa kahabaan ng EDSA ay hindi raw pagmamayabang. Eh bakit kailangan pang nakababa ang bubong kung saan napakaraming makakakita sa iyo? Pwede namang gawin ang video na nakatabi ang sasakyan, nakataas ang bubong at ipakita na Porsche pa rin ang dalang sasakyan. Walang batas na lalabagin.
Tama ang sinabi ni LTO Chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II na anuman ang sasakyang minamaneho ng isang tao, lahat ay dapat sumunod sa mga patakaran ng trapiko. Bilang isang influencer, dapat din siyang manguna sa pamamagitan ng halimbawa. Makikita pa sa video na inalis niya ang tingin sa kalsada para tumingin sa camera, tinitiyak na alam ng mga tao na siya iyon, bagay na itinanggi niya bago siya humingi ng tawad. Sana natuto na siya ng leksyon. Dahil kung hindi kumbinsido ang LTO sa kanyang paliwanag, maaaring bawiin ang kanyang lisensya. At iyon naman ang “lock-in moment” na naabot niya ng ganito kaaga. Isa pang milestone.
- Latest















