Ang testimonya ni Santiago
PARANG bombang sumabog ang testimonya ng isang chemist ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) noong Lunes sa motion to post bail ni Mandaluyong City mayoral bet Ernest Domingo Buan. Sinabi ni Jappeth Santiago, 26, may nakita siyang sangkap ng shabu at ecstasy sa urine samples ni Buan. Si Buan ay inaresto ng PDEA agents sa isang buy-bust operation sa Pasig City kamakailan. Nakuha sa kanyang pag-iingat ang limang plastic sachet ng cocaine. Matapos maa- resto, nagbigay ng urine samples si Buan kung saan natuklasan sa pagsusuri na positibo ito sa sangkap ng ecstasy at shabu. Marami sa mga kausap ko sa Manila Police District ang nagsasabi na ang testimonya ni Santiago ay nagpapatunay na si Buan ay gumagamit din pala ng illegal na droga.
Hindi narinig ni Buan ang pinasabog ni Santiago na bomba sa chamber ni Judge Abraham Borreta, ng Pasig City RTC Branch 154. Nag-abiso kasi sa korte si Buan na hindi siya makadadalo sa hearing. Inamin din ni Santiago na nagkamali siya sa paglagay sa kanyang report na shabu ang nakuha kay Buan at hindi cocaine. Ayon kay Santiago, pagod siya nang sinusulat ang report kaya hindi niya namalayan na ang form na ginamit sa naunang hawak na kaso ay hindi na niya napalitan. Idiniin ng PDEA chemist kay Borreta na cocaine ang nakumpiska kay Buan at hindi shabu. He,he,he! Makapagpiyansa pa kaya si Buan?
Kung sabagay, hindi na nakuhang makapag-cross examine ang abogado ni Buan kay Santiago dahil kina-pos ng oras. Sa susunod na hearing, malalaman kung ano ang depensa ni Buan. Ayon sa mga kausap ko kapag hindi inatake ng abogado ni Buan ang testimonya ni Santiago, aba goodbye na lang sa tsansa niyang makapag-bail. At kung hindi makapag-bail si Buan tuloy-tuloy ang paghimas niya ng rehas na bakal sa PDEA imbes na makipagkamay sa mga botante niya. Imbes na tulungan niya ang mga taga-Mandaluyong sa pulitika, mukhang siya ang dapat tulungan ng supporters niya, di ba mga suki?
Sinabi ng mga kausap ko sa Mandaluyong na ang testimonya ni Santiago ang nagtuldok sa kinabukasan ni Buan sa pulitika. Sino ba naman ang sira-ulong boboto sa kanya eh maliwanag pa sa sikat ng araw na drug user siya. Kapag na-nalo kasi si Buan, nangangamba ang mga residente ng Mandaluyong na lalong lulubha ang problema nila sa droga. Natatakot din ang mga magulang na mawawalan ng kinabukasan ang mga anak nila kapag ginaya nila ang landas na tinahak ni Buan. Abangan!
- Latest
- Trending