EDITORYAL - Bagong eroplano para sa Hukbong Panghimpapawid
KAWAWA naman ang Hukbong Panghimpapawid ng Pilipinas (Philippine Air Force). Iilan na nga lamang ang mga lumang eroplano sa kanila ay bumabagsak pa at nagdadamay pa ng buhay ng mga sundalo at sibilyan. Sana, sa pag-upo ng bagong presidente pagkalipas ng May 2010 elections ay magkaroon din ng mga bagong eroplano ang PAF.
Nabawasan na naman ang eroplano ng PAF nang bumagsak noong Martes ang OV-10 Bomber sa Tarlac City at dalawang piloto ang namatay. Nagsasagawa ng training flight ang OV-10, sa Crow Valley, Sta. Lucia Tarlac dakong 2:55 ng hapon nang maganap ang pagbagsak. Tuluy-tuloy na bumulusok ang OV-10. Narekober ang bangkay ng dalawang piloto na nakilalang sina Captain Corpuz at Lt. Carandang. Agad na ipinag-utos ni PAF chief Lt. Gen. Oscar Rabena na “i-grounded” ang iba pang OV-10 Bomber. Magsasagawa raw muna ng imbestigasyon sa pagbagsak. Hindi pa natatagalan nang bumagsak ang Nomad plane ng PAF sa Gen. Santos City at apat na sundalo at isang opisyal ang namatay.
Kaawa-awa ang kalagayan ng PAF na malamang ay maubos na ang mga eroplano dahil sa mga sunud-sunod na trahedya. Karamihan sa mga eroplano ng PAF ay galing sa US na ginamit pa noong Vietnam war. Sa mga nakaraan, ilang Huey helicopter na ginamit sa Vietnam ang bumagsak at kumitil na nang maraming buhay. May isang pangyayari pa na isang Huey ang bumagsak sa Laguna at sinamang palad na bumagsak sa mga kabahayan. Noong nakaraang taon, isang helicopter ng PAF ang bumagsak sa bundok habang sakay ang Malacañang official. Namatay ang opisyal at iba pang pasahero. Sa helicopter din na nag-crash namatay ang isang Phivolcs official dalawang taon na ang nakararaan.
Nararapat nang magkaroon ng mga bagong eroplano ng PAF. Itigil na ang pag-repair sa mga natitira pang eroplano sapagkat wala na itong kakayahan pang lumipad. Ipaglaban ng PAF chief na magkaroon ng pondo para mapalitan na ang mga eroplanong maituturing na “kabaong na lumilipad”. Sa pag-upo ng bagong presidente, dapat nang magka roon ng pagbabago sa air force. Hindi na sana puro “force” pero walang “air”. Iprayoridad sana ang pagkakaroon ng mga bagong eroplano para sa hukbong himpapawid.
- Latest
- Trending