'I love you and Goodbye!'
Matalino man ang matsing napaglilinlangan din. Isang lumang kasabihan na kung titignan mo’y gasgas na subalit marami pa ring pagkakataon na tugma itong sabihin.
Si Marites Sereño, 32 taong gulang taga Sta. Cruz, Manila ay nagpunta sa aming tanggapan upang ireklamo ang pang-iisa na umano’y ginawa sa kanya ng kanyang mister.
Si Marites o “Tet” ay walong taon ng kasal kay Rogelo alyas “Rolly”.
Dati silang magkatrabaho sa Mega Sea and Air Services (MSAS), Makati. ‘First Job’ ito ni Tet bilang Air Expert Assistant. Air CargoTransfer Officer naman si Rolly.
Sa araw-araw nilang magkakasama sa isang departamento, natuklasan nilang marami silang bagay na sila’y nagkakasundo. Bente anyos palang si Tet, limang taon naman ang tanda ni Rolly kaya’t higit na may karanasan si Rolly sa halos lahat ng bagay.
“First boyfriend ko si Rolly, aaminin kong matindi ang tama ko sa kanya,” sabi ni Tet.
Makalipas ang limang taon nung 2002 ay kinasal ang dalawa.
“Tuwang-tuwa si Rolly ng magkaanak kami ng babae. Pinangalanan namin siyang Sian, siya ang naging prinsesa sa aming tahanan. Dahil sa kanya maagang umuuwi ang aking asawa,” kwento ni Tet.
Nagkaroon ng pagkakataon si Rolly na mabigyan ng ‘offer’ upang makapaghanap buhay sa ibang bansa.
“Sinabi niya sa akin na titiisin niya ang lahat upang guminhawa lamang ang aming buhay alang-alang sa kinabukasan ni Sian,” pahayag ni Tet.
Nagtrabaho si Rolly sa Singapore. Mataas ang kanyang sahod dahil isa siyang ‘aircraft mechanic’.
Dito nagsimula ang sunud-sunod na magagandang ‘breaks’ sa ‘career’ ni Rolly. Mula sa Singapore nagpunta siya sa London, United Kingdom, lumipat siya sa Canada.
Halos libutin na niya ang buong mundo dahil sa kanyang talino at kakayahan sa pag-ayos ng mga eroplano.
Tinamasa rin ng pamilya ang bunga ng lahat ng pagsisikap ni Rolly.
Enero 2008, ng bumalik sa Pilipinas si Rolly. Isang ingrandeng ‘reunion’
ang nangyari sa pamilya ni Tet.
“Tuwang-tuwa ako ng kausapin ako ni Rolly na sa sobrang kalung kutan niya habang nasa ibang bansa siya naisipan niyang isasama na raw niya kaming mag-ina,” wika ni Tet.
Kaugnay dito upang maihanda na ang kanilang paglipat sa ibang bansa inimpake ni Rolly lahat ng kanyang gamit.
“Tinanong ko siya kung bakit dadalhin niya na lahat ng kanyang gamit. Mabilis niya akong sinagot na para hindi na raw ito mahirap dalhin at gamit na lang namin ang isusunod. Naniwala naman ako at hindi ko binigyan ng masamang kahulugan ang mga bagay-bagay. Inisip ko na lang na hindi magtatagal na kami’y magsasama-sama sa Canada,” salaysay ni Tet.
Parang gabing ayaw matapos… walang naging kasing init ang huling gabi ng mag-asawa.
“Hindi ko makalimutan ang init ng halik ni Rolly. Niyakap niya ko ng mahigpit at binulong sa akin, ‘I love you and goodbye…Tet’, kwento ni Tet.
Ika-31 ng Enero 2008 ng umalis si Rolly. Madalas silang mag-usap sa pamamagitan ng ‘internet’ sa Yahoo Messenger (YM).
Sa hindi malamang dahilan naging madalang ang pagkakataon na sila’y nagkakausap ni Tet hanggang tuluyang natigil ito.
Woman’s intuition o kutob ng isang asawa at naisip niyang may problema.
Ang ginawa niya chineck ang ‘email account’ ni Rolly. Dahil alam niya ang password ng kanyang asawa sa email unang ginawa niya tsinek niya ito. Inimbestigahan niya ang laman ng mga emails ni Rolly.
Nabasa niya ang sagot ng isang ‘cable provider’ kung saan nakalista ang address at pangalan ng kanyang mister. Ang buong pagkakaalam niya walang telepono si Rolly sa kanyang ‘apartment’.
Nabigla si Tet ng makitang may numero ng landline ang asawa. Lalong lumakas ang kanyang kutob kung bakit kailangang tinago ito sa kanya ni Rolly.
Ang ginawa ni Tet,ang una at pinaka praktikal na bagay na gagawin ng asawa tinawagan niya ang numero. Nanlambot at nanginig ang kanyang katawan ng marinig ang tinig ng isang babae na sumagot ng telepono.
Tinanong ni Tet kung sino ang babaeng kanyang kinausap. Sagot naman umano nito, “Wag mo nang alamin kung sino ko! Wag ako ang tanungin mo. Mukhang may problema ka sa asawa mo at ayaw ka na niya!”.
Sa loob ng isang buwan hindi nakipag-usap sa internet si Rolly kay Tet. Hanggang nung Abril 2008, kaarawan ng kanyang anak na si ‘Sian’ bigla na lang tumawag sa telepono si Rolly.
Walang inaksayang panahon si Tet, tinanong niya si Rolly ng tungkol sa kanila ni Joy. Umamin naman agad si Rolly at sinabing “Lahat yun totoo, may kinakasama na ako ngayon. Ayoko na, nakapagdesisyon na ko, I’m giving up this family.”
Napaiyak si Tet sa masasakit na sinabi ng asawa. Ayaw niya paniwalain ang sariling tapos na ang lahat sa kanila ni Rolly. Kaya’t nakiusap siya dito.
“Nagmakaawa akong ayusin namin ang pamilya na kalimutan naming
lahat ito at magsimula muli,” pahayag ni Tet.
Hindi natamaan si Rolly sa mga sinabi ni Tet. Naging manhid siya sa pagmamakaawa ng asawa.
Sa ngayon walang maisip na legal na hakbang itong si Tet kaya nagde sisyon siyang pumunta sa aming tanggapan.
Itinampok namin sa aming programa sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ 882khz (tuwing 3:00ng hapon) ang istorya ni Tet.
Ini-refer namin si Tet sa tanggapan ni Usec Rafael Seguis ng Department of Foreign Affairs para maasistehan siya sa kanyang reklamo.
Malungkot man sabihin pinaliwanag namin kay Tet na dahil hindi saklaw ng batas natin dito sa Pilipinas ang ginagawang pagsasama nitong si Rolly at ng kanyang kinasamang si Joy walang magagawang ‘legal action’ laban sa mga ito. Sa sandali na sila’y bumalik sa Pilipinas at mag-sama sa iisang bubong maari niyang sampahan ng ‘concubinage’ ang mga ito.
Humingi rin kami ng tulong sa tanggapan ni Comm. Marcelino Libanan ng Bureau of Immigration and Deportation, Port Area Manila upang ipagbigay alam sa amin sa sandaling lumapag muli sa ating bansa itong si Rolly. Maari ring hilingin na ilagay siya sa ‘watch list’ upang bago siya muling makaalis ng bansa magkaroon ng pagkakataon na magkausap itong si Tet at si Rolly. Hindi para magkabalikan kung ayaw na nila talaga sa isa’t isa ngunit para sa kapakanan ng kanilang anak. Para sa anak naman ni Rolly maari niyang sampahan ng Violation of 9262 dahil sa pagtalikod nito sa kanyang responsibilidad sa kanilang kinabukasan (economic abuse) at ng ma-obliga itong si Rolly na sustentuhan ang kanilang anak.
(KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)
Para sa inyong reaksyon at sa mga gustong dumulog sa aming tanggapan ang aming mga numero, 09213263166 o sa 09198972854 at ang landLine ay 6387285. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City. Bukas din ang aming tanggapan tuwing Sabado mula 8:30AM-12NN. Maari din kayong tumawag sa aming 24/7 hotline sa numerong 7104038.
* * *
Email: [email protected]
- Latest
- Trending