Sa gawa at hindi salita
(Unang Bahagi)
KASO ito ng mag-asawang Dario at Narda. Sila ang may-ari ng isang parselang lupa na nakasangla ng P1.4 milyon sa bankong PSB. Matagal na ang utang at dapat na itong bayaran. Upang hindi maremata ng banko, humingi ng tulong si Dario sa REIC, isang kompanyang nasa export/import. Si Dina ang president at chairman na kumakatawan sa kompanya. Tinulungan ng REIC ang mag-asawa, binayaran nito ang utang sa banko at pinautang pa ng P600,000 kaya umabot sa P2 milyon ang kanilang utang.
Nang hindi na rin makabayad ang mag-asawa sa REIC, nagkasundo sila na ibabayad na lang ng mag-asawa sa REIC ang isa pa nilang lupa kapalit ng utang. Ang lupa ay may sukat na 7,074 metro kuwadrado at nagkakahalaga ng higit sa P2 milyon. Ang napagkasunduang presyo ng lupa ay P3.5 milyon.
Noong Hunyo 25, 1994, isang kasulatan ng bentahan ang ginawa at pinirmahan ni Dario. Pagkatapos, binigyan pa rin ng REIC si Dario ng palugit na hanggang anim na buwan upang bayaran ang utang na P2 milyon. Samantala, hindi pa pumipirma si Narda sa kasulatan ng bentahan at hawak pa rin ng mag-asawa ang lupa.
Ayon naman sa REIC, ang napagkasunduan ay pipirmahan ni Narda ang kasulatan ng bentahan at pagkatapos ay saka magbabayad ang kompanya sa natitirang P1.5 milyon. Nakahanda naman daw tumupad sa napag-usapan ang kompanya. Katunayan, idineposito na ang pera sa banko ng Maybank) at nilipat na lang sa pangalan ng abogado ng kompanya. Nang ayaw pa rin ni Narda na pirmahan ang kasulatan ng bentahan, napilitan na ang kompanya na iparehistro (annotate) ang karapatan nito sa titulo ng lupa, lalo at hindi naman mailipat sa pangalan ng kompanya ang titulo dahil hindi nga pumirma si Narda. (Itutuloy)
- Latest
- Trending