Comelec ma-anomalya kaya kaduda-duda (2)
NU’NG Martes pinuntusan ko ang pinaka-tatagong anomalya sa Comelec. Ito ‘yung P1.6-bilyong Automated Fingerprint Identification System, na maglilinis dapat ng voters’ lists dahil naka-fingerprint na lahat ng botante. Niluto ito para ipapanalo nu’ng Abril sa Unison-NEC. Diniskwalipika ang SAHI-TigerIT na P1.2 bilyon lang ang bid, mas mababa nang P400 milyon. Inupuan ang protesta ng SAHI-TigerIT, at inapura ang test run ng Unison-NEC. Inindorso ng bids and award committee at technical working group sa en banc ang kontrata, samantalang sinira ng information-technology department lahat ng ebiden-siya ng lutong-makaw na bidding.
Hindi pa natapos du’n. Di naglaon, inanunsiyo ng en banc na hindi nila kakayaning linisin ang voters’ lists para sa 2010 elections. Ito’y dahil aabutin pala nang tatlong taon, o hanggang 2013, para ma-fingerprint ng Unison-NEC ang 50 milyon botante. Kaya mga bagong registrants na lang ang ipi-fingerprint; ang mga datihan ay lumang voter’s ID ang gagamitin. Samakatuwid, makakatipid ang Unison-NEC ng P600 milyon sa pag-upa ng apurahang fingerprinting centers. Pero hindi binago ang kontrata.
Nito lang, palihim bumiyahe sa Japan, all expenses paid ng Unison-NEC, sina IT department head Jeannie Flororita, data center chief Ferdie de Leon, at Maria Luisa Tolentino. Si Tolentino ay misis ni Comelec executive director Jose Tolentino, dating hepe ng technical working group na nagrekomenda ng maanomalyang Mega Pa- cific automation scam.
Patuloy ang anomalya. Hindi kuntento ang matrona na nagmaniobra sa Comelec ng Unison-NEC deal. Habang nagmamalaking kaibigan siya ni Comelec chairman Jose Melo, sinusungkit niya ngayon ang P600-milyong budget para sa tracking system. Ito ang paggamit ng GPS at barcode para masundan ng Comelec kung nasaan ang ballot boxes at vote counters. May narinig ba kayong bidding para dito? Wala, dahil lihim lahat.
Samantala, ibabalato umano ng Comelec sa anak ng isang religious leader ang P400-milyong voter education project. Wala ring bidding.
- Latest
- Trending