EDITORYAL - Patunayan na hindi 'inaanay' ang PAGC
GRABE ang corruption sa bansang ito. Maski ang mga dayuhang negosyante ay umaangal sa talamak na katiwalian. Kaya ang mga foreign donors ay nagdududa na sa pagbibigay ng tulong. Hindi nila sigurado kung talagang nakararating sa dapat patunguhan ang tulong o nasu-shoot lamang sa bulsa ng mga tiwaling opisyal ng pamahalaan. Sa kasalukuyan, masyadong maingat na ang mga donor sa pagbibigay at baka sila “maisahan”. Kakahiya ang talamak na katiwalian sa bansang ito.
Kabilang sa mga tiwaling tanggapan ng pamahalaan ay ang Bureau of Customs na kahit umano ang janitor doon ay may sariling sasakyan. Sumunod na tiwali ang Bureau of Internal Revenue, Department of Public Works and Highways, Department of Education, Bureau of Immigration and Deportation at Philippine National Police. Pero nakagugulat na huma habol na ngayon ang Presidential Anti-Graft Commission (PAGC). Ang tanggapan na mag-iimbestiga sa mga tiwali ay napapabalitang “inaanay” sa corruption.
Maski si President Arroyo ay naalarma na rin sa mga akusasyon sa PAGC. Hindi kasi siya makapaniwala na ang binuo niyang tanggapan na lulupig sa mga tiwali ay mababalitaan niyang may corruption at nababalutan ng nepotismo ang itinalaga niyang chairwoman. Kaya ipinababahala na niya sa concerned agency ang pagsasagawa ng imbestigasyon sa PAGC. Katunayan, hinirang ni Mrs. Arroyo si Deputy Secretary Natividad Dizon na maging miyembro ng PAGC.
Itinanggi naman ni PAGC chairman Constancia de Guzman na may nangyayaring corruption at nepotism sa kanyang tanggapan. Sinisiraan lamang daw siya. Hindi raw niya magagawang sirain ang pagtitiwala ng Presidente. Hindi rin daw niya iku-compromise ang pangalan ng kanyang pamilya. Hinamon niya ang mga nag-aakusa na patunayan ang alegasyon.
Kabilang sa akusasyon ay ang pagtatalaga raw ni De Guzman sa kanyang anak na lalaki at girlfriend nito sa PAGC. Itinalaga rin daw ni De Guzman ang kanyang pamangkin sa isang key position sa PAGC. Wala raw katotohanan ang mga akusasyon. Ibig lamang siyang siraan.
Itinatag ni Mrs. Arroyo ang PAGC dahil na rin sa talamak na corruption. Binuo ito dahil nagbanta noon ang mga foreign investors na aalisin ang kanilang negosyo rito. Pero ngayon ay kakaiba na yata ang layunin ng PAGC. Nawawala na yata sa landas ng tunay na layunin kaya binuo. Mas maganda kung ipakikita ng pinuno ng PAGC na hindi talaga sila inaanay. Patunayan para hindi pagdudahan.
- Latest
- Trending