Nasaan ang pag-asa?
Maraming ang hangad ay magandang buhay
Nitong mga dukha nating kasambahay;
Nagsisikap sila’y walang dumaratal –
Na magandang s’werte sa lahat ng araw!
Marami ang umaasang itong ating bansa
Ay makaaahon sa pagdaralita;
Mga economist at pangulo pa nga
At ang marurunong wala ring magawa!
Marami ang umaasa sa saganang bukas
Makakamit nila sa bugtong na anak;
Pero nang lumaki ay naging halaghag
Kaya ang magulang sa pagluha’y sadlak!
Mga pulitiko ay umaasa rin
Na sa pagwawagi ay dadakilain;
Pero nang maupo sa Kongreso natin
Naging abusado at dapat sumpain!
Masaganang ani ang hangad sa bukid
Ng mangagsasakang nasa ula’t init;
Pero nabigo rin sa bagyong nagngalit
At ulang nagbaha sa maraming panig!
Mga mangingisdang dagat ang pag-asa –
Ay biglang nawalan nang maraming isda;
Nalason sa dagat ng mga basura
At mga kemikal mula sa pabrika!
Mga negosyante’y magaling mang-akit
Mga manggagawa’y laging ginigipit;
Karampot na suweldo’y kulang pa sa bibig
Mga empleyado sa talim ay kapit!
Kung tutuusin mo’y lahat umaasa
Sa buhay matatag at buhay maganda;
Pero ang pag-asa’y ayaw ng pakita –
Dahil sa ang hangad ng tao ay iba!
Sa halip magnais ng kadakilaan
Ang dulot sa iba ay kapahamakan;
Kaya ang pag-asang inaasam-asam
Malayong makamit nitong sambayanan!
- Latest
- Trending