Walang ipinagbabawal ang batas.
LAHAT na yata ng paraan para mailagay si President Arroyo sa kapangyarihan ay naisip na ng kanyang mga kaalyado. Dati, Charter change ang sinusulong. Noong naging maliwanag na ayaw ito ng tao, binago ang pamamaraan para mapalitan ang saligang batas. Humina rin ang pagsulong nito, kaya tatakbo na lang bilang kongresista si Arroyo sa 2010, para kapag napalitan na ang Saligang Batas at nabago na ang uri ng pamahalaan sa bansa, pwede siyang iangat ng kanyang mga alipores sa Kongreso na maging Punong Ministro. Kaya ba panay ang pasyal sa Lubao, Pampanga, na ngayon tila may bagong gawang bahay na para sa kanya? Para masabing taga-roon siya?
Ngayon naman, puwede raw siyang tumakbo bilang Vice President na ka-tandem ni Sec. Gilbert Teodoro na pambato ng Lakas-Kampi sa 2010! Bakit hindi na lang sila magsalita ng deretso na huwag nang magkaroon ng eleksyon, para si Arroyo na ang Presidente panghabambuhay? Napakaraming paraan para manatili sa kapangyarihan si Arroyo ang isinusulong. Mga walang humpay na usapin, haka-haka, kuro-kuro, kung ano ang gagawin niya sa 2010. Hindi ba dapat bumaba na lang siya, tapos!
Nagsasalita na nga ang kanyang abogado na si Atty. Romulo Macalintal, na walang ipinagbabawal ang batas na tumakbo siya para sa anumang posisyon maliban lamang sa pagka-presidente. Ano pa ba ang ibig sabihin niyan kundi may balak na nga! Dagdag pa na magiging magaling na vice president dahil sa kanyang malawak na karanasan, o kahit ano pang piliing posisyon para sa 2010. Sa pahayag pa lang na ito, baka isang linggong artikulo na ang masusulat ng mga manunulat at komentarista!
Wala bang kabusugan ang pagnanais ng kapangyarihan? Na manatili sa gobyerno? Hindi ba diktador ang mga tinatawag diyan, na turo ng kasaysayan ay napapatalsik din sa panahon? Ano ba naman yung bumaba na, siyam na taon din namang “nakapagsilbi” na. O ganun ba ang takot na babalikan siya ng lahat ng nakalaban niya noong siya’y nanungkulan bilang presidente ng Pilipinas? Na mananagot na siya para sa mga anomalya, iskandalo at ano pang mga naganap sa kanyang administrasyon? Kung pinagsasabihan ng Palasyo ang mga kompanyang petrolyo na huwag takutin ang mamamayan ukol sa presyo at suplay ng gasolina at krudo, huwag ding mang-inis ang Palasyo ukol sa mga puwedeng gawin ni Arroyo, para manatili lamang sa kapangyarihan!
- Latest
- Trending