Lason
Kung meron tayong Erin Brockovich sa Pilipinas, siguro inaksyunan na niya ang insidenteng ito. Dalawampu’t-walong tao ang nagtungo sa isang ospital sa Cavite matapos silang magkaroon ng iba’t-ibang klaseng sakit. May mga nagka-sipon, may ubo, may pangangasim ng sikmura, may problema sa pag-ihi. Ang sinisisi nila ay isang planta sa Silang, Cavite. Ang plantang ito ay nagkukundisyon ng mga tapon na kemikal ng ibang pabrika para matapon na nang hindi magiging peligroso sa kapaligiran at sa kalikasan. Pero noong Oktubre 16, pinasara ng DENR ang labasan ng nasabing tubig matapos magreklamo ang ilang residente na nagkasakit sila dahil sa tinatapong tubig ng planta. Iniimbistigahan ngayon kung ang tubig na tinatapon ng planta ay talagang hindi na nakasasama sa kalikasan. Hindi raw sila ang sanhi ng pagkakasakit nung dalawampu’t-walo dahil sarado na raw ang labasan ng tubig.
Sa totoo lang, mahina ang Pilipino pag dating sa ganitong aspeto ng pagtatapon ng mga nakasasamang kemikal at basura. Ilan na ang nahuling nagtatapon ng mga peligrosong kemikal sa mga sapa, estero, at ilog, dahil mas madali at mas murang gawin ito kaysa idaan pa sa isang treatment plant. Mga talyer na nagtatapon na lang sa kanal ng mga gamit na langis ng sasakyan. Mga gamit na mantika na tinatapon rin sa mga kanal. Ilang halimbawa lang ito kung gaano tayo kawalang pakialam sa ating kali kasan. Ang lahat ng kemikal na iyan ay dalawa lang ang pupuntahan. Kung hindi sa dagat, sa mga tubigan sa ilalim ng lupa. Mga tubigan kung saan doon kumukuha rin ng tubig para pang-inom at pang-linis ng ilang tahanan. Sa madaling salita, linalason rin natin ang mga tubig na ginagamit natin. Kaya nagkakasakit ang ilan. Mabuti sana kung mga sipon at sakit ng tiyan lang. Papano pala kung mga mas malalang sakit katulad ng kanser!
Hindi biro ang magkasakit dahil sa mga lason na tinatapon na lang sa mga lupa at tubig natin. Sa mga mauunlad na bansa, strikto ang pagtatapon ng mga kemikal na ito. May nadedemanda at may nakukulong pa kapag napatunayang hindi tama ang pagtapon ng hazardous waste kung tawagin. Pero dahil nasa Pilipinas lang tayo, kung saan malaking porsyento ng populasyon ay hindi naman aral nang mabuti kaya hindi alam ang mga peligrong dulot ng masasamang kemikal, magpapatuloy lang ang ganitong gawain, maliban na lang kung magkaka-ngipin na rin ang DENR at huhulihin, mumultahan ng malaki o ikukulong na ang mga gagawa ng ganito.
- Latest
- Trending